Nahuli-cam ang “tulakan” nina Senador Robin Padilla at Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla sa loob ng gusali ng Senado nitong Huwebes nang dumating ang 18 nagpakilalang mga dating sundalo na naghatid umano ng mga maleta na may lamang pera sa ilang mambabatas.
Nangyari ang insidente sa nakatakdang pagdinig ng Blue Ribbon Committee na pinamunuan ni Senador Pia Cayetano, kaugnay ng iskandalo sa paggamit ng pondo para sa flood control projects.
Batay sa video, makikitang nagkaroon ng mainit na komprontasyon at paghaharap sina Padilla at Remulla.
Kasama ni Padilla ang grupo ng mga umano’y mga dating sundalo at si Cayetano.
Sa huli, nakalusot din ang grupo nina Padilla at Cayetano patungo sa session hall na pinagdausan ng pagdinig.
Sa panayam ng mga mamamahayag, itinanggi ni Remulla na plano niyang harangin ang pagpasok ng mga umano’y 18 sundalo.
“I was walking out when I was pushed aside. How can I do that? I was alone,” ani Remulla.
Kinailangan lang umano niyang protektahan ang sarili para hindi siya maipit dahil marami ang kasama ni Padilla.
Kinuwestiyon naman ni Senadora Imee Marcos kung bakit nasa Senado si Remulla.
Bakit po narito ang DILG Secretary Jonvic Remulla? Maraming nagtatanong kung LGU na lamang ang Senate?,” tanong niya.
Sa panayam ng media, sinabi ni Remulla na nakipag-usap siya kay acting Senate President at SP Pro-tempore Sherwin Gatchalian, matapos na humingi umano ng tulong ang huli upang mapangalagaan ang Senado.
Sa hiwalay na press conference, kinumpirma ni Gatchalian na humingi siya ng tulong kay Remulla upang matiyak ang kaayusan at maprotektahan ang Senado.
Nitong Miyerkoles, inihayag ni Sen. Erwin Tulfo na nahalal na bagong chairman ng Blue Ribbon sa paksyon ni Gatchalian na walang pagdinig ang komite ngayon. Sa halip, gagawin ito sa Lunes.
Naglabas din ng kautusan si Gatchalian na work from home ang mga empleyado ng Senado, na tila sinunod naman ng mga kawani ng kapulungan kaya wala ang mga tauhan ng kapulungan na namamahala sa mga pagdinig ng komite.— Joviland Rita/FRJ GMA News

