Umakyat na sa 19 katao ang nasawi sa magnitude 7.8 na lindol na yumanig sa Mindanao nitong Lunes, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
“Doon sa mga report na natanggap natin, sa ngayon meron pong 19 na hindi nakaligtas doon sa lindol,” pahayag ni OCD spokesperson Junie Castillo sa panayam.
“Again, this is for verification and validation noong ating management of the dead and missing cluster,” dagdag niya.
Sa mga nasawi, 16 umano ang nasa Soccsksargen, habang tatlo naman sa Davao Region.
Sa Soccsksargen, 10 sa mga biktima ang nasa General Santos City, tatlo ang mula sa Glan, dalawa ang mula sa Tupi, at isa ang mula sa Malapatan, Sarangani.
Ayon kay Castillo, ilan sa mga biktima na unang iniulat na namatay dahil sa pagguho ng mga gusali, pagbagsak ng mga debris, at pagguho ng lupa.
Batay sa paunang datos, 12 katao ang iniulat na nawawala sa General Santos, habang 134 naman ang nasugatan. Sa bilang ng mga nasugatan, 129 ay mula sa Soccsksargen at lima naman ay mula sa Davao region.
Humigit-kumulang 10,000 pamilya mula sa Sarangani at Sultan Kudarat ang inilikas. Samantala, nasa 700 pamilya rin ang naapektuhan ng insidente.
Patuloy ang isinasagawang search, rescue, and retrieval operations.
Tiniyak naman ng Malacañang na may sapat na pondo ang pamahalaan upang tumugon sa nangyaring kalamidad sa Mindanao.
“Alam po natin na ang pondo po sa ngayon ay sapat pa para sa pagsasagawa po ng pagligtas at pag-rescue at para po maibsan ang impact ng nangyaring sakuna nitong araw na ‘to,” pahayag ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro sa press briefing nitong Lunes.
Hindi naman niya tinukoy ang halaga ng pondong nasa quick response funds (QRFs).
Nang tanungin kung bibisita si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Mindanao kasunod ng lindol, sinabi ni Castro na hahayaan muna ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na tumugon sa disaster response.
“Ang Pangulo po kasi kung kailan po nagkakaroon talaga ng ganyan medyo magulo po ang sitwasyon hindi po sumasabay ang Pangulo dahil kapag po ganyan ay mas mabibigyan pa po siya ng atensyon. Hindi po nais ng Pangulo na siya pa ang unahin,” paliwanag ni Castro.
Naganap ang lindol nitong Lunes ng umaga na kasabay ng pagsisimula ng klase sa mga pampublikong paaralan. – Joviland Rita/FRJ GMA News
