Sa panayam ng “Kay Susan Tayo Vlog” ni Susan Enriquez, inihayag ni Vandolph Quizon na nami-miss pa rin niya ang namayapa niyang amang King of Comedy na si Dolphy, na pumanaw noong 2012 dahil sa cardiac arrest.

Para kay Vandolph, hindi lamang isang mahusay na komedyante si Dolphy, kung hindi isa ring mabuting ama na nag-iwan sa kaniya ng mahahalagang aral na dala-dala pa rin niya hanggang ngayon.

Ayon kay Vandolph, lumaki siyang kasama ang ama hindi lang sa loob ng kanilang bahay, kung hindi maging sa hanap ng camera dahil sa mga ginagawa nilang pelikula.

Sa murang edad, nasaksihan umano niya kung paano magtrabaho si Dolphy at kung paano nito pasayahin ang mga manonood.

“He is a good dad. I grew up with him, acting with him. I learned sa kaniya. I miss him a lot. Pero yung nararamdaman ko na Comedy King [ ang ama ko] siyempre proud,” saad niya.

Sa 18 magkakapatid, ayaw ni Vandolph na masabing siya ang paboritong anak ni Dolphy, gayunman, sinabi niyang, “Ako lang ang pinakamalambing.”

Bukod sa pagiging ama, malaking impluwensiya rin si Dolphy sa kaniyang pagtingin sa sining ng pag-arte at komedya. Habang tumatanda, sinabi ni Vandolp na lalo niyang nauunawaan ang mga aral na itinuro ng kaniyang ama.

Ayon kay Vandoplh, iba ang pakiramdam kapag napapasaya ang tao kahit sa maikling sandali lang ng kanilang buhay.

At sa kabila ng pagkilala bilang King of Comedy, sinabi ni Vandolph na tahimik lang na tao ang kaniyang ama.

“Nasa isang tabi lang iyon, madalas nasa dilim lang at nagpapamasahe,” saad niya.

Samantala, isa sa pinakamahalagang turo umano ni Dolphy sa kaniya, ang maging mapagkumbaba at irespeto ang lahat ng katrabaho sa produksyon--hanggang ang pinakamababa.

“Kasi lahat ‘yan [nasa produkyon] nagtatrabaho. Kahit tayo napupuyat, yang pinakamababang trabahador sa production mas puyat sa atin. Wala sa aircon tent ‘yan, walang pagkain na pili ‘yan. Kung ang call time mo nine, ang call time niyan four. Be respectful sa lahat,” balik-tanaw ni Vandolph sa mga bilin ng ama.

Noong 2012, pumanaw si Dolphy dahil sa cardiac arrest. Mahigit isang dekada na ang lumipas, ngunit aminado si Vandoplh na hindi nawawala ang sakit ng pagkawala ng kaniyang ama.

Ayon sa aktor, sa buhay ng tao ay kailangang masanay sa sakit na mawalan ng mahal sa buhay pero hindi pa rin nawawala ang sakit kapag naalala sila.

"Yun lang ang naman hindi magbabago sa buhay, change," saad niya.

Malapit nang mapanood sa mga sinehan ang bagong pelikula na kinabibilangan ni Vandolph na "Home Along da Riles," na mistulang tribute sa kanilang ama na si Dolphy at iba pang namayapang cast ng dating sikat na sitcom sa bansa. – FRJ GMA News