Labis na nagdadalamhati si Rovelyn Baterbonia, ina ng Ateneo Men’s Basketball Team player na si Rene Baterbonia, na nasawi sa pagkalunod matapos na sumalang umano sa inilarawan na isang team “training activity” sa Aurora. Aniya, sa isang saglit lang, winasak ang pangarap ng kaniyang anak.

Sa isang panayam ni Mariz Umali ng GMA News, inihayag ni Rovelyn na marami siyang katanungan na wala pang kasagutan tungkol sa sinapit ng kaniyang anak.

“Kasi akala ko training lang nga, hindi military training. Ano ba ‘yun? Tapos, 'yun na nga, wala na siyang cellphone… Saturday, wala na siyang cellphone hanggang Sunday nga," sabi ng ginang.

Kalaunan, nakatanggap na lang umano siya ng tawag na nalunod ang kaniyang anak.

"'Yun, malaki talaga ang tanong ko. Ba't napunta doon sa dagat? Kasi basketball naman 'yung anak ko, hindi naman swimming," sabi ng ginang.

Kinuwestiyon din ni Rovelyn kung bakit kinabitan umano ng mga pampabigat ang mga braso at paa ni Rene habang lumalangoy.

"Alam naman nila mabigat 'yung nilagay nila sa paa and then sa kamay. Tapos, pinaano pa nila sa dagat? Hindi na ba sila naawa? Ang dami nila, ba't naman pumunta sila doon na walang dalang rescue, walang medic?" sabi niya.

Bukod dito, tila naging mailap pa umano ang pamunuan ng unibersidad tungkol sa nangyari sa kaniyang anak sa ginawang aktibidad.

"Kahit isang picture, wala silang sinend sa akin. Wala naman silang sabi, ‘Ma'am, ito na 'yung anak mo. Nakuha na namin sa dagat. Tapos, dadalhin na nila sa Maynila.’ Wala talaga. Wala silang sinasabi sa akin," giit niya.

Nanawagan siya ng hustisya at imbestigasyon sa insidente.

“Isang saglit lang, ang pangarap ng aking anak winasak nila,” sabi ni Rovelyn. Ang malaking tanong ko talaga, bakit? Bakit ba ganiyan? Ang dami nila du’n tapos walang nag-rescue? Ba't nila pinapalangoy na 'yung anak ko na may 20 kilos 'yun na bigat?,” hinanakita niya.

Ayon sa Ateneo, naganap ang insidente sa isang team building activity sa Dipaculao, Aurora. Nasawi ang isa pang student-athlete na si Divine Adili sa insidente.

"The entire Ateneo community mourns the loss of Rene and Divine. The University extends its heartfelt condolences to their families, friends, teammates, coaches, and loved ones," saad ng Ateneo sa isang pahayag.

"The University is providing support to the families of Rene and Divine, as well as to their teammates and members of the Ateneo community affected by this tragedy."

Inilabas ng Philippine National Police Regional Office 3 (PNP PRO 3) noong Lunes ang mga inisyal na impormasyon sa ginawang pagsisiyasat nito kaugnay ng pagkasawi nina Baterbonia at Adili.

“[I]nitial findings indicate that the victims were swimming when they were reportedly carried by a strong current into deeper waters,” sabi ng PNP PRO 3 sa isang pahayag.

Sinabi pa ng PNP PRO 3 na agad rumesponde ang mga tauhan mula sa Dipaculao Municipal Police Station matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa insidente at nakipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensiya para humingi ng tulong.-- FRJ GMA News