Ibinahagi ni Vandolph Quizon na nananatiling pamilya ang turing ng cast ng “Home Along Da Riles” sa isa’t isa, kabilang ang veteran actress na si Cita Astals.

“Alam mo tita, si Tita Cita, lagi kaming nandiyan for her. Nu’ng nag-start to ever since, sinama namin siya. Kasi alam namin 'yung pinagdadaanan niya,” pagbabahagi ni Vandolph sa kaniyang guesting sa Kay Susan Tayo! Vlogs.

“Eh, pamilya din si Tita Cita. So hanggat pa paano, nandyan kami for her. So lahat ng ginagawa namin, sinasama namin siya,” pagpapatuloy ni Vandolph na abala sap ag-promote ng reunion movie ng “Home Along Da Riles.”

Inilahad ng anak ng namayapang Comedy King na si Dolphy, na napakagaling na aktor ni Cita, at nangangailangan lamang ito ng makakausap.

“Alam mo si Tita Cita, ang galing umarte. Tsaka napakatalinong tao. She just needs someone to talk to. And we are here, the Cosme family, the Home Along Da Riles family, is always here for her. At dala namin siya kahit saan kami magpunta,” sabi ni Vandolph.

Inalmahan pa ni Vandolph ang ilang tao na ginagawang content si Cita na nakasisira sa aktres.

“Iba naman tao kasi, okay naman, ginagawan lang ng issue, ‘di ba? Parang, pinapakita lang na ganito siya, pero okay naman. Para naman magkaroon ng content, para naman magkaroon ng pinag-uusapan. Alam mo naman ang social media… Tapos, pag-iinterbyuhin nila si Tita Cita, ‘Gusto mo ng pagkain?’ ‘Mag-usap tayo.’ Mga gumagano’n sa kaniya, parang mali eh, hindi tama 'yun eh. You're depriving the person, ‘di ba? Hindi niyo alam 'yung pinagdadaanan [niya],” ayon sa aktor.

Pinabulaanan pa ni Vandolph ang ilang haka-haka na hindi nila tinulungan si Cita.

“Huwag ganu’n. Huwag nating hatakin ang tao pababa. Dapat lahat tayo dito sa nangyayaring sitwasyon ngayon, magtulungan pataas. Lahat tayo nagtutulungan at hatakan pataas. Lahat tayo may mga pinagdadaanan,” pakiusap niya.

“But ito lang tatandaan ninyo na ang Home Along Da Riles family ay hindi namin pinababayaan ang bawat isa. 'Yun lang,” sabi pa niya.

Dagdag ni Vandolph, alang-alang na rin ito sa legasiya ng ama niyang si Dolphy, na likas ang pagtulong sa mga tao.

“Of course. ‘Yun ang gagawin ng tatay ko kung nububuhay siya. Hindi namin kaya maging Dolphy mag-isa kaya sama-sama kami, ‘di ba? That's his legacy.”

Mapanonood ang “Home Along Da Riles: Da Reunion” sa mga sinehan sa Hunyo 17.

Sa isang panayam ni Susan, ibinahagi ni Cita ang kaniyang buhay ngayon at “pagkakamali” nang isapubliko niya noon ang kaniyang mental health condition na bipolar disorder.

“Dapat confidential ’yan, ako lang ang nagkamali,” aniya. “Akala ko maiintindihan ng mga tao pero hindi pala.”

"I was hoping my coming out in the open will help people understand and cut down on stigma, kaya lang hind rin nangyari," patuloy ni Cita. "Ang problema, sa tagalog, any mental illness naka-lump sum na 'baliw'." – FRJ GMA News