Ang mga bagay na nasa imahinasyon lamang, maaari nang magkatotoo dahil sa 3D printing business na binuo ng tatlong magkakaibigan. Ang kanilang negosyo, kumikita na ngayon ng hanggang six digits kada buwan.

Sa nakaraang episode ng “Pera Paraan,” itinampok ang 3D printing business nina JC Sucgang at ng kaniyang mga kaibigan, na ang mga kliyente na ang bahala sa design at sila na ang bahala sa printing.

Hindi gaya sa karaniwang imprenta na tinta ang ginagamit para makabuo ng imahe, plastic o resin naman ang ginagamit sa 3D printing.

“So spool of plastic, i-melt niya and then i-print niya 'yun layer by layer para mabuo 'yung models mo na 'yung 3D print. As in for resins naman, meron siyang liquid which is 'yung resin nga. 'Yun 'yung vessel niya para ma-print 'yung model. ‘Yung mga products natin is tumatagal din for several years. For 3D prints, depende pa rin sa kung saan environment mo siya ilalagay and then 'yung housekeeping ng 3D print,” sabi ni Sucgang.

Hindi biro ang pagbuo ng produkto, na ilang oras ang inaabot sa pagpi-print, depende sa laki at disenyo.

Sa ngayon, malakas sa 3D printing ang mga keychain at clickers.

Nagsimula lamang sa isang 3D printer, mayroon nang higit 100 na printer ang 3D printing business nina Sucgang na araw-araw na gumagawa ng mga produkto.

Sinabi ni Sucgang na lumalaki na ang market sa 3D printing dahil na rin sa pagiging mausisa ng mga mamimili.

Mula sa sample na imahe, gagawan muna ito ng three-dimensional o 3D model saka ididiretso sa printing na ginagamitan ng filament.

Noong nakaraang taon lamang sinimulan ng magkakaibigan ang kanilang 3D printing business, matapos mamangha si Sucgang sa kakaibang technology ng 3D printing.

Mga kakilala lang ang unang naging customer nina Sucgang, hanggang sa mapansin nilang bumebenta na ang customized 3D products.

Mula sa maliliit na gamit, nakagagawa na ngayon ang kanilang negosyo ng mga laruan, souvenirs, display sa bahay, o kahit anong maisipan ng customer. Bukod dito, nakapagbibigay na rin sila ng trabaho sa ibang tao.

Nagsimula lamang sa P20,000 puhunan sa isang 3D printer, aabot na sa 6 digits ang kanilang kita buwan-buwan.

“Ang naipundar, pinapaikot kasi namin ngayon. So, hindi kami pa nag-stop sa 100 printers. May target pa kami na mas lalakihan pa, expansion pa, 'yung business. Kahit na ilang years na kami nag-o-operate, may mga parts pa rin na natututo kami base sa mga request ng mga customers,” sabi ni Sucgang. – FRJ GMA News