Mariing itinanggi ng mamamahayag na si Arnold Clavio ang alegasyon na tumanggap siya ng pera na nakalagay sa paper bag na galing sa dating kongresista na si Zaldy Co.

Sa pulong balitaan nitong Martes ng mga dating bodyguard ni Co, sinabi ni Mario Ceniza, Jr., na kabilang umano si Arnold na mga media personality na tumanggap ng pera.

Ayon kay Ceriza, nakatalaga siya sa isang PR (public relation) man at doon niya nakita umano ang mga media personality na tumatanggap ng pera na nakalagay sa paper bag.

Marami pa raw siyang alam na media personalities na sangkot pero ilalagay na lang umano niya ang mga ito sa kaniyang magiging affidavit o sinumpaang salaylay.

Bilang tugon, sinabi ni Arnold na kasinungalingan, nakakatawa, at nakakalungkot ang akusasyon laban sa kaniya.

“Pero lahat ng ito haharapin ko nang walang takot. Talk is cheap. Bago ang dada, ebidensya muna,” saad ni Arnold sa pahayag.

Idinagdag ni Arnold na wala siyang itinatago at hinamon ang nag-akusa sa kaniya na harapin siya sa korte at ulitin ang walang basehang alegasyon laban sa kaniya.

Samantala, naglabas din ng pahayag ang GMA Network kaugnay sa alegasyon ni Ceniza laban kay Arnold.

“GMA Network has noted the statements made during a press conference earlier today. The Network takes matters involving the integrity of our journalists seriously. The Network will evaluate the matter further,” saad sa pahayag.

“GMA Network remains committed to responsible journalism. We ask the public to refrain from drawing conclusions based on unverified information,” dagdag nito.—FRJ GMA News