Mistulang bumaha ng beer sa kalsada nang bumagsak at mabasag ang sangkatutak na bote ng beer mula sa isang truck sa Barangay Buhatan, Sorsogon City. Ang ilang residente, kaniya-kaniyang kuha ng bote ng beer na hindi nabasag.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood na nagsilabasan ang mga residente at ilan sa kanila ang kaniya-kaniyang kuha ng serbesa.

Sinabi ng kapitan ng barangay na posibleng overloaded ang truck kaya tumapon ang mga beer nang dumaan ito sa pakurbang bahagi ng kalsada.

Ligtas naman ang driver at kaniyang pahinante, na sinusubukan pang makuhanan ng panig.

Wala rin ibang tao na nadamay o nasaktan sa pangyayari.

Umabot ng halos dalawang oras bago naalis ang mga bubog at basyo ng beer sa kalsada.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang kompanya ng mga natapon na beer.—Jamil Santos/FRJ GMA News