Napapalingon ang mga bumibili sa isang tindahan ng letson belly sa Cavite dahil bukod sa masarap at abot-kaya na presyo ng crispy letson, mga mala-anghel pa ang mukha ng mag-iina na nagtitinda. Ang ina, single mom na hindi pinalad sa mga naging partner pero wagi naman sa kaniyang mga supling na itinaguyod niyang mag-isa.

Sa nakaraang episode ng “Good News,” ipinakilala ang 52-anyos na si Maria Elena Aguilar, at kaniyang mga anak na sina Ronella, Ela at Elaine, na tila namana ang kaniyang ganda. Pito naman lahat ang anak niya.

Taong 2013 nang mabiyuda si Elena. Nagkarelasyon siya sa dalawang partner matapos nito ngunit nauwi pareho sa hiwalayan. Mula noon, siya ang pumasan sa lahat ng mga pangangailangan ng mga anak bilang isang single mom.

“Mahirap talaga kapag nag-iisa. At siyempre, ‘pag nagkakasakit 'yung mga anak, ‘di ba?” sabi ni Elena.

“Nu’ng nawala 'yung father namin, parang siya 'yung naging nanay at tatay sa amin,” sabi ni Maria Rona Ella Aguilar Bae.

Ipinagpapasalamat naman ni Elena na biniyayaan siya ng mababait na mga anak.

“Ay, mababait. Malas man ako sa mga partner, pero may mga anak naman akong binigay ng taas sa akin. So, suwerte. Tsaka proud ako sa mga anak ko ngayon,” ani Elena.

Dati nang tindera si Elena ng gulay, manok at baboy sa palengke.

Ang mga magkakapatid naman, kasa-kasama na ang ina sa pagtitinda noong mga bata pa lamang. Hanggang sa natuto na rin silang dumiskarte para kumita.

“Since grade 5 pa po kami. Tatanungin kami ng mga kakaklase namin, ‘Meron ba kayong ganito?’ Kahit wala kaming gano'n, pupunta kami sa Baclaran, Divisoria. Hahanapin namin, tutubuan lang namin konti para meron kami pambaon sa school,” sabi ni Rona.

Nahinto si Elena sa pagbebenta noong pandemya. Pero ang kaniyang mga anak, nag-isip ng ibang mapagkakakitaan.

Nag-umpisa ang ideya ng lechon rice nang minsang makatanggap ng regalong lechon si Ronela.

“Kasi pangarap ko lang talaga makatikim ng lechon kasi hindi ko naman po talaga kayang bumili ng lechon. Parang last two years ago po ‘yun, may nagregalo lang po noong birthday ko lechon,” ani Ronela.

Hanggang sa naisipan ng magkakapatid na magtayo ng lechon business na masarap pero abot-kaya sa bulsa.

“Inisip po namin na budget meal para at least matuwa sila na sa halagang P100 po, makakain sila ng lechon,” sabi ni Ronela.

Mula sa P20,000 na puhunan, nakakaubos na sila ngayon ng 15 lechon belly sa isang araw.

Ang magkakapatid, may kaniya-kaniyang nakatoka sa gawain.

Dahil dito, nakakapag-aral na ang tatlo pang kapatid nina Ronella, Ela at Elaine.

Ibinabahagi pa nila ang kanilang mga biyaya, na binibigyan ang mga matatanda at iba pang may gusto ng lechon matapos silang makabawi mula sa nailabas na pera.

Tunghayan sa Good News ang sorpresa nina Ronella, Ela at Elaine, kay Elena, na tumayong ama at ina ng kanilang pamilya. Panoorin. – FRJ GMA News