Nasa 1.1 milyong minimum wage earners sa Metro Manila ang makatatanggap ng P85 na dagdag sa arawang sahod, na ipatutupad ng dalawang bigayan na una sa Hulyo 19, 2026 at ikalawa sa Enero 20, 2027, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Martes.
Ayon kay Labor Secretary Francis Tolentino, P60 ang unang yugto ng dagdag-sahod na ibibigay sa Hulyo 19, at sa Enero 20, 2027 naman ang natitirang P25.
Dahil dito, ang mga non-agricultural worker na kasalukuyang tumatanggap ng P695 kada araw ay sasahod na ng P780. Samantalang ang mga manggagawang agrikultural ay tataas ang arawang sahod sa P743 mula sa kasalukuyang P685.
“Marami pong basehan. ‘Yung inflation, ‘yung pagtaas ng presyo ng kuryente, ‘yung pagtaas ng bilihin, at ‘yung kakayahan ng mga manggagawa natin na magkaroon ng isang disenteng pamumuhay dito sa Metro Manila,” pahayag ni Tolentino sa panayam ng Super Radyo dzBB.
Saklaw ng umentong ito ang lahat ng mga manggagawang tumatanggap ng minimum na sahod.
Ayon pa kay Tolentino, maaari rin itong magdulot ng pagtaas ng kita ng humigit-kumulang 1.9 milyong manggagawa sa pamamagitan ng mga wage adjustment.
Idinagdag ng kalihim na nagpapatuloy ang mga konsultasyon para sa iba pang mga rehiyon, kabilang ang Region III (Central Luzon) at Region VII (Central Visayas).
Sa isang pahayag, sinabi ng grupo ng mga manggagawa na Kilusang Mayo Uno (KMU), na hindi pa rin sapat ang bagong dagdag-sahod upang matugunan ang tumataas na gastusin sa pamumuhay sa Metro Manila.
“Lubhang hindi sapat sa kumpara sa ilang ulit na pagtaas ng presyo ng langis, singil sa kuryente, at iba pang gastusin. Itataas lamang ng P85 dagdag-sahod ang minimum sa NCR mula sa P695 tungong P780, malayo sa P1305 na halagang nakakabuhay,” giit niya.
“Tingi-tingi itong ibibigay sa mga manggagawa. At higit na maliit ang saklaw nitong sa NCR lamang, habang milyun-milyong manggagawa sa buong bansa ang apektado ng krisis na hindi tinutugunan ng gubyerno,” dagdag ng KMU.
Kaya naman patuloy umanong isusulong ng KMU ang kanilang hangarin na gawing P1,200 ang nationwide daily wage.— Jon Viktor D. Cabuenas/FRJ GMA News

