Inaresto ngayong Lunes sina dating Anakalusugan Party-list Representative Michael "Mike" Defensor at negosyanteng si Joseph Varias Espiritu, na mga kapuwa akusado ni Senador Rodante Marcoleta sa kasong plunder o pandarambong na may halagang P75 milyon, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla.
Sa isang press conference, sinabi ni Remulla na dinakip sina Defensor at Espiritu sa loob ng isang coffee shop sa Quezon City matapos maglabas ng arrest warrant laban sa mga akusado ang Sandiganbayan Third Division.
Dinala ang dalawa sa Sandiganbayan para sa return of warrant at pagkatapos ay sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) upang sumailalim sa booking process.
"Nag-uusap sila sa Starbucks sa QC. Inaresto sila at dinadala na sa Sandigan para sa return of warrant," ayon kay Remulla.
Pagkatapos nito, dadalhin umano ang dalawa sa kulungan sa Payatas, dagdag pa ng kalihim.
Ngunit sa isang Facebook post, iginiit ni Defensor na kusa silang sumuko at hindi inaresto.
Una rito, naglabas ng warrant of arrests ang Sandiganbayan laban kina Marcoleta, Defensor, Espiritu, at Aristotle Baluyut Viray, kaugnay ng hindi idineklarang donasyong pangkampanya na umano'y natanggap ni Marcoleta para sa kanyang kandidatura sa pagka-senador noong halalan sa 2025.
Ang donasyon ay galing kina Defensor, Espiritu, at Viray.
Dumalo pa si Marcoleta sa pagdinig ng kaso sa Sandiganbayan at sumuko sa mga awtoridad matapos maglabas ng arrest warrant ang anti-graft court.
Sa isang video na ibinahagi sa social media, sinabi ni Defensor na inaresto sila habang nananatiling malaya ang mga sangkot umano sa katiwalian sa mga proyektong flood control.
Iginiit niyang walang basehan ang kaso at nais lang silang patahimikin sa pagsasalita laban sa katiwalian na nagaganap sa gobyerno.
Nauna nang sinabi ng dating kongresista na hindi siya magtatago at haharapin niya ang kaso na umano’y walang basehan.
“You can send us to jail and silence us, but we will not give up,” ani Defensor.— FRJ GMA News

