Nasawi ang isang kilalang vlogger sa Culasi, Antique matapos siyang makuryente umano habang nagbi-videoke sa isang resort.
Sa ulat ni Kim Salinas sa GMA Regional TV Ratsada Balita nitong Miyerkoles, kinilala ang 23-anyos na biktima na si Simon Capindit Jr. o Super Estong sa kaniyang vlog, at miyembro ng Team Ragumo.
Nakuryente si Capindit habang nagbi-videoke sa isang resort sa Culasi nitong Lunes. Isinugod siya sa ospital pero binawian din ng buhay nitong Martes.
“Nang lumingon siya sa amin nang tumunog na ang music sa videokehan, bigla na lang nagsabi ng ‘aray.’ Like parang hinigop siya nang nagsabi siya ng aray. Hinila ko agad ang wire kasi alam ko baka na-grounded siya at saka iyon na, natumba na siya,” ayon kay Jamela Cabrillos, nobya ng biktima.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya kung may pagpapabaya sa bahagi ng resort at may-ari ng videoke machine.
Humiling din ang pulisya ng electrician mula sa Bureau of Fire Protection ng Culasi bilang bahagi ng imbestigasyon.
Ayon sa pulisya, hindi pa nakukuhan ng pahayag ang may-ari ng resort, handa naman umano ang may-ari ng videoke machine na makipag-usap sa pamilya.
Sinabi ni Cabrillos na desidido ang pamilya ng biktima na magsampa ng reklamo.
Ayon pa kay Cabrillos, hindi basa ang katawan ng kaniyang nobyo nang mangyari ang insidente.
Paalala naman sa publiko ni Fire Inspector Fatima Herpetor, acting Fire Marshal, Culasi, BFP, “Kung alam mo sa sarili mo na basa ka, iwasan na magsaksak [ng kuryente] dahil basa pa ang kamay mo at saka dapat naka-tsinelas para hindi connected sa ground. Kasi yon yung tendency kung may open wire.” – FRJ GMA News
