Ilang consumer ng Meralco ang umalma dahil sa mga nagtataasan nilang bill sa kuryente dahil sa paniwalang mali ang meter reading sa kanila. Mapuputulan nga ba sila ng kuryente kung hindi sila magbabayad habang isinasagawa ng imbestigasyon?
Sa panayam ng GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabi ni Dr. Marizon Gines, ng Legal Services ng Energy Regulatory Commission (ERC), isa lamang sa mga “remedy” ang pagbabayad muna sa disputed amount ng consumer bago maproseso ang reklamo tungkol sa umano’y maling meter reading.
“Meron naman ‘yung ibang mga patakaran na kunwari, mag-file ka ng complaint sa ERC, hindi ka naman puputulan. Kagaya ng ‘pag inireklamo mo ay estimated consumptions, differential billings, billing adjustments,” sabi niya.
“[Kung] talagang makikita ang fault or negligence ng distribution utilities, talagang hindi na rin namin ‘yan pinapaputulan o nag-issue kami agad-agad ng safety disconnection habang ito ay nireresolbahan,” sabi ni Gines.
Gayunman, nilinaw niyang hindi nito sakop ang lahat ng disputes o reklamo.
Ilan sa mga nakalagay sa Magna Carta for Residential Electricity Consumers ay mga dispute gaya ng stay of disconnection at high billing complaints na babayaran lang ang average monthly consumption sa huling 12 buwan bago ang billing in question.
Inilahad din ni Gines ang tamang proseso kapag nakakita ang consumer ng discrepancy o problema sa kanilang electric bill.
“Kung may discrepancy, ang pinakamabilis at agarang lunas talaga, mag-file sila ng reklamo sa amin. Titingnan din namin kung meron ba talagang pagkakamali ‘yung ating distribution utility,” payo niya. -- FRJ GMA News
