Nagkita kamakailan sina Dingdong Dantes at Coco Martin upang pag-usapan ang isang bagong proyekto sa ilalim ng League of Filipino Actors o Aktor PH.
Sa Instagram, ibinahagi ng Kapuso actor at chairman ng Aktor PH na si Dingdong ang ilang larawan mula sa kanilang pagpupulong, kabilang ang isang litrato na masayang kasama si Coco.
Sa isa pang larawan, kasama nina Dingdong at Coco, sina Marian Rivera, Iza Calzado, Ricci Chan, at Joel Saracho.
“Magkaiba man ang programa, iisa lang ang layunin: pagmamahal at pagpapalakas ng ating industriya,” saad ni Dingdong sa caption.
Ayon kay Dingdong, si Coco ang mangunguna sa naturang proyekto ng Aktor PH, na kinabibilangan din niya bilang miyembro.
“Isang magandang Sunday meeting, may kasamang masayang kwentuhan at makabuluhang palitan ng mga ideya, para pag-usapan ang isa na namang proyektong ilulunsad ng AKTOR sa ilalim ng pamumuno ng ating kapwa AKTOR member na si Coco Martin,” saad ni Dingdong, na may pahiwatig na malapit nang ilunsad ang proyekto.
“Para sa AKTOR. Para sa mga aktor. Para sa industriya. Salamat Coco," ani Dingdong.
Sa hiwalay namang Instagram post, ibinahagi rin ni Coco ang larawan nila ni Dingdong mula sa kanilang pagkikita.
Pinasalamatan niya ang Kapuso actor dahil sa walang sawang pagmamahal at dedikasyon nito sa industriya ng entertainment. Dagdag pa niya, malaki ang kaniyang paghanga at respeto kay Dingdong.
“Isa kang inspirasyon sa maraming tao dahil sa sipag, at malasakit mo. Hindi lang talento ang ipinapakita mo, kundi tunay na puso para sa industriyang mahal nating lahat,” ani Coco.
“Nandito lang ako sa likod mo at buong puso ang suporta ko sa lahat ng iyong ginagawa lalo na para sa Aktor PH,” dagdag ng Kapamilya actor.
Sa comments section, nagpahayag din ng pasasalamat si Dingdong kay Coco para sa pagmamahal nito sa industriya at sa sining sa pag-arte.
“Mapalad tayong lahat na may katulad mong laging nag-iisip ng mga bagong paraan para lalo pang mapatatag ang ating hanay. Bilib ako sa dedikasyon mo,” komento ni Dingdong.
“Sobrang excited na ako sa programang ilulunsad mo para sa AKTOR. Mabuhay ka, Coco!” dagdag niya.
Ang Aktor PH o League of Filipino Actors ay isang samahan na naglalayong pangalagaan ang kapakanan ng mga artista sa Pilipinas at isulong ang pag-unlad at positibong pagbabago sa industriya. Nagbibigay rin ito ng suporta sa mga manggagawa sa industriya sa pamamagitan ng mga training program at mentorship.—Nika Roque/FRJ GMA News

