Tukoy na umano ng Philippine National Police (PNP) ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek sa pagpatay sa pro-BBM vlogger na si Alicia “Mima Alicia” Lipata.

Sa ulat ni Jun Veneracion ng GMA News sa Balitanghali nitong Martes, sinabi ni PNP Chief Police General Melencio Nartatez Jr., na natukoy na ng mga awtoridad ang mga suspek at kasalukuyan na silang tinutugis.

Nakilala umano ang mga suspek sa loob ng 24 oras matapos ang pamamaril dahil sa tulong ng mga kuha ng CCTV camera sa lugar.

Isa sa mga suspek ay sangkot na umano sa iba pang kaso ng krimen, ngunit hindi na isiniwalat ng PNP kung ano ang natuang mga kaso.

Hindi pa natutukoy ng PNP kung sino ang utak sa krimen, ngunit sinabi ni Nartatez na malaki ang posibilidad na bayaran ang mga suspek na bumaril kay Lipata, at sa kaniyang live-in partner.

“The strongest motive there is they are hired by a syndicate to kill them,” ani Nartatez .

Binaril at napatay si Lipata sa labas ng kaniyang bahay sa Caloocan City noong Hulyo 17. Sugatan din sa insidente ang kanyang live-in partner.

Kilala si Lipata bilang isang political vlogger na hayagang sumusuporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at bumabatikos sa mga kritiko ng gobyerno.

Sinabi ni Nartatez na posibleng may kaugnayan ang pagiging political vlogger ni Lipata sa kaniyang pagkamatay, ngunit patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.

Bumuo na ang Northern Police District ng isang special investigation task group upang magsagawa ng masusing imbestigasyon sa pagkamatay ni Lipata.

Nitong Lunes, sinabi ng PNP na bukod sa pagiging vlogger ni Lipata, kasamang tinitingnan na posibleng motibo sa krimen ang personal nitong buhay.

Napag-alaman na hindi maayos ang paghihiwalay ni Lipata sa dati niyang karelasyon na nauwi pa sa demandahan.

Ayon pa sa PNP, bago paslangin, may natatanggap nang pagbabanta sa kaniyang buhay si Lipata. —Jean Mangaluz/FRJ GMA News