Sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address, nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang tanggalin ang system loss charges, kabilang ang kaakibat nitong value-added tax (VAT), na ipinapasa at sinisingil sa mga konsyumer ng kuryente. Ano nga ba ang system loss at bakit ito kasama sa buwanang electric bill? Alamin.
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing tumutukoy ang system loss sa kuryenteng nawawala habang ipinadadala galing sa mga power plant papunta sa mga tahanan at establisimyento.
Maaaring “mawala” ang kuryente dahil sa technical losses, tulad ng pagkawala ng enerhiya sa transmission at distribution lines, o kaya ay non technical losses gaya ng ilegal na koneksyon sa kuryente o paggamit ng “jumper.”
Sa ilalim ng kasalukuyang batas, kasama ang EPIRA at Republic Act No. 7832 o Anfi-Pilferage of Electricity and Theft of Electric Transmission Lines/Materials Act, pinahihintulutan ang mga distribution utility na bawiin ang parte ng system loss na nakapaloob sa buwanang bill ng mga konsyumer.
Sinabi ng Meralco na may itinakdang limitasyon ang batas sa maaaring ipasang system loss.
Ang Energy Regulatory Commission (ERC), nagtakda ng limitasyon sa pinakamataas na antas ng system loss na maaaring ipasa ng mga distribution utility sa mga konsyumer nila at siningil.
Para sa mga rural electric cooperative, ang pinakamataas na system loss na maaaring mabawi mula sa mga kostumer ay humigit-kumulang 12% hanggang 13%. Habang 6.5% naman ang itinakdang limitasyon para sa mga pribadong distribution utility.
Batay sa talaan ng mga singil ng Meralco, ang system loss charge ay isang pass-through charge, na nangangahulugang hindi ito direktang napupunta sa kumpanya. Bumubuo ito ng humigit-kumulang 5% ng buwanang bayarin sa kuryente ng kanilang mga kostumer.
Kapwa nagpahayag ng suporta ang Department of Energy (DOE) at ang Energy Regulatory Commission (ERC) sa panukala ng Pangulo na alisin ang system loss charge sa mga bayarin sa kuryente ng mga mamimili.
Sa kaniyang SONA nitong Lunes, sinabi ni Marcos na panahon na upang itigil ang pagpapasa ng system loss sa mga konsumer dahil hindi naman nila kasalanan kung bakit nagkawala ng kuryente sa transmission at distribution system.
“Therefore, we, the people, request… No, we demand, for the immediate amendment of the EPIRA,” sabi ni Marcos.
Idiniin din ni Marcos ang mga hakbang ng pamahalaan upang palakasin ang energy security ng bansa.
Sinabi ni Marcos na nadagdagan na ang mga geothermal, solar, hydro, wind, at biomass power plants, habang patuloy ang operasyon ng Malampaya matapos mapalawag ang service contract nito hanggang 2039.
Nadiskubre rin umano ang tinatayang 222 billion cubic feet ng natural gas sa Malampaya na sasapat para makapagbigay ng supply ng kuryente sa mahigit 1.6 milyong kabahayan hanggang 2034, ayon kay Marcos.
Dagdag pa ng pangulo, nakapagkaloob na ang pamahalaan ng 14 petroleum service contracts sa Luzon, Visayas at Mindanao, kasama ang apat na kontrata para sa hydrogen production, bilang bahagi ng pagpapalawak ng mga mapagkukunan ng enerhiya sa bansa.—Jamil Santos/FRJ GMA News
