Natuklasan sa loob ng isang kuweba sa Palawan ang mga fossil o buto ng tigre na nagpapatunay na minsang gumala sa isla ang pinakamalaki at mailap na pusa sa mundo. Base sa isang pag-aaral na inilathala kamakailan sa Cambridge Archaeological Journal, maaaring nangyari ito 20,000 taon na ang nakalilipas.

Ayon sa ulat ni Kuya Kim sa "24 Oras" nitong Martes, ang mga fossilized na buto ay natuklasan noong 2016 sa Pilanduk Cave sa Quezon, Palawan.

Sa loob ng ilang taon, masusing sinuri ng mga mananaliksik mula sa University of the Philippines Diliman, National Museum of the Philippines, at ng komunidad ng mga katutubong Palawan ang mga labi bago nila nakumpirma na ang mga buto ay pag-aari ng Panthera tigris o tigre.

Ayon sa pangunahing may-akda ng pag-aaral na si Dr. Janine Ochoa, isang archaeologist at associate professor sa University of the Philippines School of Archaeology, na ang tigre ay kilala bilang "harimaw" sa ilang bahagi ng Malaysia at Indonesia.

"Halimaw sa Filipino, malamang ito ay hiram na salita mula sa salitang harimaw. Siya ay isang malaki, mabilis, malakas at matalino klase ng tigre," paliwanag ni Ochoa.

Ipinapakita sa natuklasan ang pinakamaagang ebidensya na likas na nanirahan ang mga tigre sa Palawan noong sinaunang panahon.

"Sa Palawan lang siya natin nakikita. May kinalaman 'yon doon sa kaniyang biogeographic history. Malapit kasi yung Palawan sa isla ng Borneo at noong matandang panahon ay meron ding tigre sa Borneo. So maaring nakatawid 'yung tigre mula Borneo hanggang Palawan," sabi ni Ochoa.

Sa siyam na fossil ng tigre na sinuri, natuklasan ng mga mananaliksik na tatlo sa mga buto ay may bakas ng paghiwa, na nagpapahiwatig na maaaring kinatay o pinroseso ang mga ito ng mga sinaunang tao.

"Mayroong tatlong buto na nakakitaan natin ng bakas ng paghiwa o pagkatay. Base sa ganitong ebidensya, pinagpapalagay natin na maaaring ginamit ng sinaunang tao sa Palawan 'yung mga bahagi ng katawan ng tigre. Partikular, maaaring 'yung balat o paa," pahayag niya.

"Maaaring may pagkilala 'yung mga sinaunang tao sa Palawan doon sa pagiging makapangyarihan ng tigre. Pero kung ano 'yung partikular na dahilan, hindi talaga natin matutukoy," dagdag niya.

Ayon pa kay Ochoa, mahalaga ang naturang natuklasan hindi lamang dahil ito ang pinakamatandang katibayan sa pagkakaroon ng mga tigre sa Palawan, kundi dahil ito rin ang pinakamaagang archaeological evidence na nagpapakita kung paano posibleng ginamit ng mga sinaunang Pilipino ang ilang bahagi ng hayop.

"Napaka-importanteng discovery nito dahil una nga ito ang pinakamatandang ebidensya natin na nagkaroon ng tigre sa Palawan 20,000 taon na ang nakakaraan. Ito ay matatagpuan sa lupaing ninuno ng mga Palawan sa Maasin, Quezon," sabi ni Ochoa.

"At itong pagkakatuklas na ito ay napaka-importante rin para sa kanilang komunidad. Ito 'yung pinakamatandang archaeological evidence natin ng ganitong klase pagtrato o pamamaraan ng paggamit ng mga bahagi ng katawan ng tigre." —Jade Veronique Yap/FRJ GMA News