Isang dating overseas Filipino worker (OFW) mula sa General Santos City ang masuweteng nanalo ng P97,966,977.93 jackpot prize sa Mega Lotto 6/45 draw noong Hulyo 3, 2026.

Sa inilabas na pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Lunes, nakasaad na solong nanalo ang dating OFW matapos niyang tamaan ang lumabas na kombinasyon ng mga numero na 43-02-13-05-36-01.

Ayon umano sa lucky winner, katatapos lang ng kaniyang kontrata bilang OFW at makaraan nito ay nagtayo siya ng maliit na negosyo.

May pitong taon na rin umano siyang tumataya sa lotto, at na nagsimula dahil sa kaniyang kamag-anak na minsan na rin umanong nanalo ng jackpot sa PCSO.

Apat na kombinasyon umano ang kaniyang tinayaan sa halagang P100 sa pamamagitan ng Lucky Pick, o makina ang pumili ng mga numero.

Plano ng dating OFW na gamitin ang kaniyang napanalunan para palakihin ang kaniyang negosyo, bumili ng bahay, at magtabi rin para sa kaniyang kinabukasan.

WALANG PUMALDO

Samantala, wala namang tumama sa major lotto draws nitong Martes, July 28, 2026.

Sa Ultra Lotto 6/58, umabot na sa P164,653,649.18 ang jackpot na ang lumabas na mga numero ay 32-48-34-55-30-07.

Wala ring tumama sa kasabay nitong draw na Superlotto 6/49, na ang lumabas na mga numero ay 05-13-15-37-21-40, at may premyong P25,000,000.00.

Samantala, P10,466,741.76 naman ang jackpot prize para sa Lotto 6/42 na wala ring tumama. Ang lumabas na mga numero ay 41-03-07-39-25-24. – FRJ GMA News