Umaabot sa 100 inihaw na manok ang naibebenta ng isang kainan ng chicken inasal sa Mandaluyong dahil ang kanilang recipe, galing pa sa Bacolod. Kaya naman ang kanilang kita, paldong-pando.
Sa nakaraang episode ng “Pera Paraan” itinampok ang Mezmars & Mau's Chicken Inasal Haus ni Marie Cigaral.
Ayon kay Marie, sa kaniyang ama na mula sa Bacolod nanggaling ang mungkahi na gawing negosyo ang inasal dalawang dekada na ang nakararaan.
“If you would taste 'yung ibang inasal, matamis siya. ‘Yon 'yung parang nakilala na Inasal eh. Pero 'yung sa Bacolod chicken inasal, tama lang siya with combination na maasim na matamis. So hindi overpowering 'yung both flavors,” paliwanag ni Marie.
Bago nito, malago ang kanilang negosyo noon sa isang amusement park sa Pasay City. Ngunit nasunog ito kaya napilitan din silang magsara.
“So kami nag-decide na sige, let's try na dito lang, sa garahe lang. Mayroon naman na kaming mga product, mayroon kaming mga gamit. So why not? Gawin natin siya dito. So hindi naman namin siya ina-expect na maging big,” ani Marie.
Muling nagsimula sina Marie sa Mandaluyong sa P50,000 na puhunan. Ginawa na nilang dining area ang dati nilang garahe at doon na rin sila nag-iihaw.
Inabot ng mahigit limang taon bago nakilala sa Mandaluyong ang chicken inasal nina Marie.
Sa tulong ng vlogger na si Jason “Bradley Tries” Go, pumatok online ang inasal nina Marie.
“I really like that it's juicy, it's unpretentious, it's insane value for money,” sabi ni Jason.
“After a few days ng post niya, ayun na, nagulat na kami na lunchtime, ang dami nang customer. Dati 'yung staff namin tatlo lang eh, kaya ng tatlo. Tapos biglang naano na nila kami na, help! Tulungan niyo naman kami, ang daming tao hanggang sa dinner time. Tapos napansin namin na araw-araw na gano'n,” kuwento ni Marie.
Sa paghahanda ng kanilang chicken inasal, ibinababad nila ang mga manok gamit ang kanilang special marinade sa loob ng tatlong oras.
Pagdating naman sa pag-iihaw, binabantayan nina Marie ang distansya ng karne sa uling, pati ang tagal ng pagkaka-grill. Tinitiyak pa nilang thawed ang manok at hindi frozen.
Ang kanin naman, hinahaluan nila ng extract mula sa bulaklak na blue ternate.
Kaya naman ang kita sa negosyo, nagbabaga rin.
“Okay po, sobrang grabe po 'yung difference talaga. Especially nu’ng starting this year. Siguro kung dati kumikita kami, happy na kami sa P30,000. Pero hindi po lagi ‘yun, hindi 'yung regular day. Pero ngayon po, parang the past few months, nakaka-roughly P1M na rin po kami po a month,” sabi ni Marie. – FRJ GMA News
