Kung hindi alam na Rescue Olympics Drill ang nagaganap, mapagkakamalang totoo na may nasaktan sa isang kompetisyon na isinagawa sa Zamboanga del Norte kamakailan dahil sa wagas na acting sa pag-iyak na ipinakita ng isang babaeng empleyado ng isang lokal na pamahalaan. Pero ang acting ng ginang, may malalim palang pinaghuhugutan. Alamin.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, makikita ang isang kalahok na grupo sa rescue drill na may kunwaring nahulog na kailangan lapatan ng lunas.

Ang nagkunwaring magulang ng nasaktan na si Godie Aguilar, empleyado sa Mayor's Office sa bayan ng Salug, at todo naman sa pag-iyak sa ‘di kalayuan ng kunwaring biktima na nilalapatan ng lunas.

Sa isang pagkakataon, may lumabas pang residente upang alamin ang nangyayari nang marinig ang palahaw ni Aguilar. Kinailangan ipinaalam sa residente na rescue drill lang ang lahat.

Ayon sa pinuno ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), nangailangan sila ng kunwaring ina ng sasagipin para sa naturang bahagi ng closing program sa paggunita ng National Disaster’s Resilience Month sa bayan, at napili nila si Aguilar.

Hindi raw nila inasahan ang husay sa pag-arte ni Aguilar.

Ang mga netizen na nakapanood din sa acting ni Aguilar, bumilib at may mga nagsabing pag-award ang kaniyang ginawa.

Kung hindi umano nakatawa ang kasama ni Aguilar sa video at walang paliwanag na drill lang ang lahat, aakalain nila na totoo ang nangyayari.

Pero mayroon palang malalim na pinaghuhugutan si Aguilar sa kaniyang wagas na acting dahil ang nasa isip niya ay ang kaniyang anak na pumanaw dahil sa sakit. Panoorin.– FRJ GMA News