Ilang kalalakihan sa San Luis, Pampanga ang nanghuhuli ng mga daga sa bukid para kainin. Pero bukid sa karne nito, nilalantakan din nila ang “balls” o bayag ng mga daga na ginagawa nilang adobo. Ligtas kaya itong kainin? Alamin.
Sa nakaraang episode ng I Juander, ipinakilala ang magkaibigang John Kennedy De Jesus at Patrick, na nangha-hunting ng dagang-bukid o tinatawag nilang “dagis.”
“Malaking tulong po kasi 'yung daga sa amin. Una, may ulam ka, tapos 'yung tira puwede mong ibenta. ‘Yung daga naman po, kapag niluto 'yung adobo, prito, ihalintulad mo lang po sa manok,” sabi ni Kennedy.
Mas maraming nahuhuling daga ang magkaibigan kapag maulan.
Pero iniipon nila ang betlog ng mga daga na kanilang nililinis, iluluto, at kakainin din.
“‘Yun pong yagbols, iba po 'yung lasa sa karne ng daga. Parang kumain ka lang ng itlog ng manok sa loob ng tiyan ng manok,” sabi ni Kennedy.
Gayunman, nagbabala ang isang nutritionist tungkol sa pagkain nito.
“Diba sabi nga natin, sa ihi ng daga nakukuha ang leptospira. Kaunting ingat po sa ating mga ka Juander na mga nanonood kasi kung ganito 'yung kakainin natin, pupwede magkaroon ng problema din sa mga sakit na katulad ng leptospirosis. Sa katotohanan, hindi pa aral na aral,” paalala ni Dr. Dex Macalintal.
Habang ang paliwanag naman ng municipal agriculturist ng San Luis, Pampanga.
“Sa bukid kasi, halos ang kinakain nila diyan 'yung mga halaman, lalo-lalo na 'yung palay. ‘Yung katulad niyan, wala pang halaman. So wala pang masisira, wala pang chemical control na ginagawa si farmer para magkaroon ng contamination 'yung daga at hindi siya makakasama sa health din ng tao,” sabi ni Gilbert Mangalus, agriculture technician ng San Luis, Pampanga. – FRJ GMA News
