Mapalad na nakaligtas sa tiyak na kapahamakan ang isang batang tatlong-taong-gulang nang masalo siya ng kaniyang alistong tita. Ang bata, nahulog mula sa hagdan na tinatayang 10 talampakan ang taas sa kanilang bahay sa Davao City. Ang tiyahin, kakagising lang at magbabanyo sana nang mangyari ang insidente.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” mapanoood ang CCTV footage ang pambihirang pagsalo ni Rica Mae Dano, sa pamangkin niyang si “Mark,” hindi nito tunay na pangalan, matapos na mahulog ang bata mula sa hagdan.

Nakatira si Mark at kaniyang mga magulang sa ikalawang palapag ng kanilang bahay. Nanggaling noon sa trabaho ang kaniyang amang si Jeio Abarca at natutulog nang mangyari ang insidente,

Hindi naman namalayan ng ina na si Laila Mae Dano, na kumuha pala ng pera para umano bumili ng ice cream kaya nagbalak na bumaba sa hagdan.

Kalaunan, narinig na lamang nila na sumigaw si Rica Mae, na nahulog si Mark.

Ayon kay Rica Mae, kagigising lang niya noon at magbabanyo sana siya nang sandaling iyon pero naka-lock ang pinto na indikasyon na may tao sa loob.

Babalik na siya sa bahay nang mapansin niya ang pamangkin sa itaas ng hakdan, at bigla na lang nahulog. Mabuti na lang at alisto siyang nasalo ang bata.

“Kung hindi ko siya nasalo, baka kung anon ang nangyari sa bata,” saad niya.

Si Laila Mae, itinuturing na iniligtas ng “anghel” ang kaniyang anak.

“Para siyang nailigtas ng anghel. Sakto nandoon sa puwesto talaga ng tita niya siya nahulog. Nagtataka kami,” sabi ni Laila Mae.

“Parang tinantiya ng Panginoon na ganoon ang mangyari,” saad naman ni Jeio.

Tinanggap naman ng mga magulang ni Mark ang puna ng ilang netizen na hindi umano nila nabantayan ang anak.

Si Mark naman, ikinuwento umano na may nagtulak sa kaniya na duwende.

Pero ayon kay Rica Mae, hindi na nakahawak ang bata sa hawakan ng hagdan kaya ito nahulog.

Kapansin-pansin na malalaki ang puwang sa disenyo ng hakdan kaya inayos na ito upang hindi na maulit ang nangyari.

Base sa Injury Surveillance System ng Department of Health, noong 2021 nasa mahigit 3,000 ang naitalang insidente ng mga pagkahulog. Halos kalahati rito ay mga batang wala pang 15-taong-gulang ang sangkot. Mahigit kalahati ng mga insidente, nangyari sa loob mismo ng bahay.

Dahil hindi naipasuri si Mark matapos na mahulog, minabuti ng KMJS na ipa-checkup ang bata para matiyak ang kaniyang kaligtas. Tunghayan sa video KMJS ang resulta ng ginawang pagsusuri kay Mark. Panoorin.—FRJ GMA News