Nababalot ng takot ang mga residente sa bayan ng La Castellana, Negros Occidental kamakailan dahil sa nakita umanong aswang sa puno ng niyog. Habang nangyayari ito, misteryosong naninigas at nagwawala naman ang isang lalaki. Alamin ang mga pangyayari.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakita ang video ng kondisyon ni Tilo sa Barangay Robles na tilang nanghihina at naninigas.
Ilang saglit pa, isang maitim at mapulang matang anino umano ang nakita ng pamilya na nakakapit sa puno ng niyog sa labas ng kanilang bahay.
Isinalaysay ni Mary Jo Tenorio na biglang sumama ang pakiramdam ng tiyuhin niyang si Tilo maghahatinggabi nitong nakaraang Linggo matapos makalabas sa ospital dahil sa pagsusuka. Umiiyak, nanginginig at nagwawala ito.
Para kumalma si Tilo, pinahiran ito nina Mary at Jaylord ng langis. Pero laking gulat nila nang tila mangisay ito, umangat ang paa na parang nilipad, at naglalaway.
Mas lalo pang nagkagulo ang pamilya nang biglang namatay ang ilaw sa kanilang kubo.
Si Renato Dagang, kapitbahay ni Mary, may namataan sa taas ng puno na itim histura na parang bilog.
“Kung sa akin lang, aswang iyon!” sabi ni Renato.
Ang ilang mga kapitbahay, nataranta at pinagbabato nila ito ng mga asin, bato at buhangin. Kalaunan, biglang naglaho ang misteryosong nilalang.
Bandang 2 a.m., muli raw inatake si Tilo, na namumutla at nagsusuka ng malagkit na laway. Kasabay nito, naamoy nila ang pag-alingasaw ng insekto, senyales umano na nasa paligid lang ang aswang.
“‘Yung kulay puti, parang tao na may pagkaaso. Ang pula lang ng mata niya,” sabi ni Mary.
Bago nito, dating mag-uuling sa bundok si Tilo. Ngunit taong 2022 nang magdeliryo ito.
Pagkadala sa albularyo, sinabing may ginambala umano itong aswang sa talon kaya siya binabalikan. Hanggang sa unti-unti nang bumagsak ang katawan ni Tilo.
Martes ng gabi noong nakaraang linggo, bumalik ang mabahong amoy na pinaniniwalaan nilang babala ng Tiyangaw na palatandaan na malapit lang ang aswang.
Nang ilawan ito nina Jaylord, tila muling namataan na dumaan ito.
Batay sa paglalarawan ng mga taga barangay Robles, isang klase ng aswang na Adlay kung tawagin ang nakita nila sa itaas ng puno.
“‘Yung katawan niya parang malaking aso, ‘yung mukha niya parang humanoid na parang unggoy. ‘Pag naistorbo sila, pinupuntahan nila ‘yung community na nakaistorbo sa kanila at gumaganti,” sabi ni Serafin Plotria Jr., cultural researcher.
Ngunit para kay Plotria, hindi ito aswang.
“Mahirap ma-validate ang ganiyan kasi hindi din naman gano’n kaganda ‘yung kuha. Sa tingin ko, it's a kind of malaking ibon. Maraming owl na ganiyan. Lumilipad from tree to tree.”
Tunghayan sa KMJS ang komento ng isang video editor tungkol sa nakunan umanong aswang, at ang tunay na kondisyon ni Tilo, batay sa pagsusuri ng Municipal Health Office. Panoorin ang video. – FRJ GMA News
