Dahil sa paniniwalang hindi na nakaligtas ang isang matandang babae na kabilang sa mga nawawala sa mapaminsalang pagbaha sa Nepal, sinimulan na ng kaniyang pamilya ang ritwal ng pagluluksa para sa “pagkamatay” niya.

Pero pagkaraan ng sampung araw na paghahanap sa mga biktima ng sakuna, natagpuang buhay ng mga rescuer sa loob ng gumuho at nawasak niyang bahay sa Betrawati ang matandang babae na si Chandika Kumari Shrestha.

Nakaligtas siya sa pamamagitan ng makitid na espasyong may hangin, na napaliligiran ng tubig at putik.

"The four-storey house was swept (away) by the floods and the house was left in the middle of a quicksand. While walking around it, we heard a voice 'save me,'" saad ni police officer Mahendra Darnal sa ulat ng Reuters.

Sa isang rescue operation noong Sabado na tumagal nang 45 minuto, natagpuan ni Darnal at ng kaniyang mga kasama si Shrestha sa isang masikip na espasyo at isinugod siya sa isang ospital.

"I was in touch with the family and they had started the 11-day mourning period," ani Darnal.

Isa si Shrestha sa daan-daang nawawala sa Betrawati, isang lugar na kabilang sa pinakamalubhang tinamaan ng baha sa Nepal at natabunan ng mapuputing tila putik na halos naging kasing-tigas ng semento.

Kabilang sa mga nawawala pa rin ang Pilipinong duktor na si Juan Carlos Manalo.

Patuloy pa rin ang mga rescue team sa paghahanap sa mga maaaring nakaligtas at pagkuha sa mga labi ng mga hindi pinalad at natabunan sa mga guho.

Halos lubusang natabunan ng mga guho ang palengke ng bayan at karamihan sa mga bahay, na ang ilan ay umaabot sa apat na palapag. Kabilang ang lugar sa niragasa ng tubig na dumaan sa lambak na ikinasawi na ng mahigit 1,300 katao sa buong Nepal. Libo-libo pa rin ang hindi matagpuan.

Limang araw bago nito, 24 na bangkay ang natagpuan na naaagnas na sa lugar ng palengke ng Betrawati, sa isang gusaling dating may maliit na tindahan, ayon kay Darnal.

Labing-isang araw matapos ang mapaminsalang baha na dulot ng pagguho ng glacier, halos 5,000 katao pa rin ang nawawala.

Daan-daang bangkay ang tinangay patungo sa mga pampang ng mga ilog na malayo sa sinalantang distrito ng Rasuwa. Sa Chitwan, daan-daang milya ang layo, ilang ulit nang isinagawa ang malawakang paglilibing sa mga bangkay na hindi na nakilala.

Kahit unti-unti nang nawawalan ang pag-asa na may makikita pang buhay, patuloy pa rin ang mga awtoridad ng Nepal sa paghahanap ng mga taong naipit sa mga lagusan at sa ilalim ng makakapal na putik na tumigas sa ibabaw ng mga gusali.

Mula noong Biyernes, tatlong tao na ang nailabas mula sa mga lagusan, kabilang ang isang Tsino na natagpuan malapit sa Ilog ng Trishuli, kung saan pinaniniwalaang mahigit 900 katao ang na-trap.

May iba pang nakaligtas na katulad ni Shrestha sa pambihirang mga kalagayan. Kabilang dito ang isang 8-taong-gulang na batang lalaki na muling nakasama ang kaniyang ina. — ulat mula sa Reuters/FRJ GMA News