Nakaligtas sa kapahamakan ang isang babae laban sa taxi driver na nagtangka umanong mangholdap sa kaniya sa Quezon City. Ang biktima, nakatakas sa suspek matapos niyang tusukin ng toothbrush sa mata.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Martes, sinabing Lunes ng hatinggabi nang sumakay ang biktima sa taxi na minamaneho ng suspek na si Zaldy Macatiag.

Pagsapit nila sa Sauyo sa Novalichez, doon na raw nagdeklara ng holdap ang suspek at pinaghahampas ng bakal na tubo ang biktima.

Nagawa naman ng biktima na makakuha ng toothbrush sa kaniyang bag at itinusok niya ito sa mata ng suspek.

Nang makatakas ang biktima, umalis na ang suspek pero nadakip kinalaunan matapos magtungo sa ospital para magpagamot sa tinamong pinsala sa mata, na kailangan umanong operahan.

Dinala rin sa ospital ang biktima dahil sa mga sugat na tinamo naman sa pamamalo ng suspek.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek na mahaharap sa reklamong robbery holdup with frustrated murder.-- FRJ, GMA News