Naantig ang damdamin ng ilang netizens nang i-post ang larawan ng isang gusgusing aso na naghihintay sa lugar kung saan natabunan ng lupa ang bahay ng kaniyang dalawang batang kalaro sa Baguio City.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, sinabing binabalik-balikan umano ng asong si "Jerwin," ang lugar na pinangyarihan ng landslide.

Ang sinasabing mga kalaro ng aso ay ang magpinsan na sina Judy Rose Tulipas, 12-anyos, at Thalia Ocampo, 4, na parehong nasawi sa insidente na dulot ng malakas na pag-ulan.

Pumanaw din ang kanilang lolo na si Alfredo Ocampo.

"Yung [aso] pabalik-balik doon sa site kung saan yung sila natabunan. Pagkatapos makita yung anak ko, nalaman nila na yung binabalikan ng aso, nandoon yung anak ko," kuwento ni Juvelyn Ocampo.

Bago ang trahedya, nakuhanan pa ng video ang masayang huling sandali ng magpinsan.

"Grabe po. Hindi ko maipaliwanag, hindi ko maisip na sa isang beses lang na ganun, nawalan ako ng pamilya, nawalan ako ng tatay, nawalan ako ng anak," sabi ni Juvelyn.

Ayon sa kaanak ng dalawang batang nasawi, sadyang maamo sa kanila ang aso. Kaya ramdam din umano nila na tila nagdadamlamhati ang aso sa sinapit ng kaniyang mga kalaro.--FRJ, GMA News