Labis ang pasasalamat ng isang mag-asawa matapos silang tulungan ng kaibigan na nangako habang lasing na tutulungan sila na mabayaran ang kanilang dream house.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkules, sinabing plano sana nina Celyn Rafar at ng kaniyang asawa na isantabi muna ang pagbili nila ng bahay dahil sa pandemya.

Ayon kay Rafar, hindi naaprubahan ang kanilang loan sa bangko dahil nawalan ng trabaho ang kaniyang asawa at hindi sapat ang kita nito.

Pero noong wedding party nina Rafar, pinangakuan sila ng kaibigan nilang nalasing na tutulong sila na makuha pa rin ang pinapangarap nilang bahay.

Inakala ni Rafar na nagbibiro lamang ang kaibigan dahil sa kalasingan pero sa mga sumunod na araw, nag-abot na ang kanilang kaibigan ng tseke na nagkakahalaga ng P2 milyon.

Nagpasalamat ang mag-asawa dahil sobrang liit ng interes ng ipinahiram na pera kumpara sa rate ng mga bangko. —Jamil Santos/LBG, GMA News