Bigla umanong nahilo at nahulog sa bangin ang isang lalaki habang nagse-selfie sa Santa Fe, Nueva Vizcaya.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing  lumitaw sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad na kukuha umano ng mga larawan ang 18-anyos na biktima habang nasa pasyalan nitong Linggo.

Nagse-selfie raw ang biktima malapit sa bangin nang bigla siyang mahilo na dahilan para siya mahulog.

Naging pahirapan ang pagsagip ng mga awtoridad sa biktima dahil nasa 50 metro ang lalim ng bangin na kaniyang binagsakan.

Mapalad na nakaligtas ang biktima na nagtamo lang ng mga galos sa katawan at kaagad na binigyan ng paunang lunas.

Nagpasalamat ang biktima sa ginawang pagsagip sa kaniya ng mga awtoridad.--FRJ, GMA News