Umaga pa lang, kalbaryo na sa ilang residente sa isang barangay sa Rosario, Batangas ang sangkaterbang kadiring langaw na naglipana sa loob at labas ng kanilang mga bahay.

Sa ulat ni Lorenzo Ilagan sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Huwebes, sinabi ni Estela Malibiran ng Barangay Maalas-as, na araw-araw nilang sakit ng ulo ang mga langaw.

Umaga pa lang, puno na ng langaw ang nakalatag na fly trap sa loob ng kaniyang bahay.

"Hindi na makakain, nagkakasakit na yung aking matanda don. Kakain ka niyan puro langaw. Pati ang baboy, nagkakasakit na," reklamo niya.

"Pumasok kayo sa bahay ko, tingnan niyo yung kusina ko, ang rice cooker kailangan may taklob na tela at sobrang grabe na ang langaw," dagdag niya.

Ang 92-anyos na ina ni Malibiran na nasa labas ng bahay, makikita na napuno na ng langaw ang pinggan na pinagkainan.

Inirereklamo rin ni Mario Ramos at mga katabi pa niyang kabahayan ang naglipanang mga langaw sa kanilang lugar.

Ang itinuturo nilang pinagmumulan ng langaw, ang kapabayaang poultry farm o manukan na nasa kanilang barangay.

Binisita ng joint inspection team ng bayan ang isang manukan na sinasabing nagkaroon umano ng problema sa linya ng tubig.

Ayon kay Ferdinand Hernandez, sanitation inspector, Rosario-LGU, kalimitan umanong pinagmumulan ng langaw ang ipot o dumi ng manok.

"Kasi once na nababasa yung ipot, magkakaroon na siya ng larva. Possible na magkaroon siya ng langaw. So 'yon yung una naming tinitingnan dito, yung mga puwedeng pagmulan ng langaw," paliwanag niya.

Sinabi ni Hernandez, na nakita nila sa binisitang manukan na may tumutulong tubig sa water drinking line nito.

Inihayag naman ng namamahala sa manukan na naayos na nila ang problema at patuloy ang pag-spray nila kontra sa langaw.

Iminungkahi naman ng inspection team na dapat magkaroon ng ordinansa ang barangay na magbibigay sa kapangyarihan sa mga opisyal ng barangay na suspindihin ang operasyon ng manukan kapag may nagreklamo upang maaksyunan agad ang problema. --FRJ, GMA News