Laking gulat umano ng may-ari ng isang sasakyan nang makitang pinagkakaguluhan ng mga tao ang nakaparada nilang kotse sa Pasay dahil pala sa isang sawa.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa parking lot ng Cartimar sa Pasay.

Hinatak ang sawa na may haba na dalawang metro na nakapuwesto sa ibabaw na bahagi ng gulong sa harapan at malapit sa makina.

Ayon kay Nika Benebicto, pauwi na raw sana sila ng kaniyang asawa nang makita nila na pinagkakaguluhan ng mga tao ang kanilang kotse dahil pala sa nakitang ahas.

Ang barangay tanod na si Leo Bautista naman ang humatak at ligtas na nakahuli sa sawa.

Ayon sa isang residente, may nagsabi na nakawala raw sa sako na dala ng isang babae ang naturang ahas.

Sinabi naman ng beterinaryo at host ng "Born To Be Wild" na si Doc Nielsen Donato, na posibleng naghanap ng mainit na lugar ang sawa kaya napunta ito malapit sa makina ng sasakyan.--FRJ, GMA Integrated News