Umabot sa $200,000 o mahigit P10 milyon ang nagastos sa operasyon ng isang babae sa Amerika, na inalis ang panga at pinalitan ng custom-made prosthetics na nilagyan ng taba na kinuha sa  kaniyang tiyan.

Sa video ng GMA News Feed, sinabing dalawang-taong-gulang pa lamang si Izzy Sehon noon nang mapansin ng kaniyang ina ang kakaibang hugis ng kaniyang mukha.

Sa paglaki ni Sehon, madalas din siyang nakararamdam ng pananakit ng panga. Nagpatingin sila sa mga orthodontist, at umabot sa anim na beses siyang nilagyan ng braces ngunit hindi nito nasolusyunan ang kaniyang problema sa panga.

“Nobody knew why braces never worked. My teeth would be straight, they would take them off. One day later, they would all be crooked again,” sabi ni Sehon.

Nang maging 22-taong-gulang na si Sehon, doon na na-diagnose na mayroon siyang pambihirang kondisyon na ng idiopathic condylar resorption (ICR), kung saan nagbi-break down ang mga buto sa kaniyang panga.

Nitong Pebrero 2023, sumailalim sa operasyon si Sehon at tinanggal ang kaniyang panga para pinalitan ng custom-made prosthetics.

Kumuha ang mga duktor ng taba sa kaniyang tiyan at inilagay ito sa paligid ng prosthetics.

Makalipas ang 12 oras na surgery at ilang linggong recovery, umaliwalas na ang ngiti ni Sehon.

Para kay Sehon, hindi na mahalaga ang naging paraan ng mga doktor para maayos ang kaniyang mukha. Ang importante raw nawala na nararamdaman niyang sakit sa mukha. --FRJ, GMA Integrated News