Arestado ang isang lalaki sa Bacolod City matapos na mabisto ng guwardiya ang ginawa niyang pagnanakaw umano ng cologne. Inamin naman ng suspek ang ginawa at ipinaliwanag ang kaniyang dahilan.

Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, hindi na napigilin ng security guard sa grocery store na si Milandro Diero, ang galit sa suspek matapos siyang ispreyan [spray] sa mata nang sitahin niya at ipabalik ang ninakaw.

Tumakbo pa raw ang suspek pero nahuli rin.

Ayon kay Diero, may dalawa pang kasama ang suspek at oras-oras umano kung magpunta sa tindahan.

Hindi umano iyon ang unang pagkakataon na nagnakaw ang suspek sa lugar.

Inamin naman ng suspek ang kasalanan at kinuha umano niya ang cologne para i-spray sa sarili dahil ilang araw na raw siyang hindi naliligo.

Inaresto ng mga pulis ang suspek at aalamin kung may record na siya sa ibang lugar.

Nagpaalala naman ng mga awtoridad sa mga tindahan na maglagay ng CCTV camera na kasama sa mga requirement sa pagkuha ng business permit.--FRJ, GMA Integrated News