Walang kawala sa CCTV camera operator ang galawan ng dalawang lalaki na nahuli-cam na tinangay ang isang estatwa ng gorilya mula sa isang market stall sa England.Sa video na makikita sa report ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing maghahatinggabi nang looban ng dalawang suspek ang tindahan.Tila nagtalo pa ang dalawang suspek nang pumasok sa tindahan, at nang lumabas, karga na ng isa sa kanila ang estatwa ng gorilya.Nang lumabas ang dalawa mula sa establisimyento papunta sa kanilang tinutuluyan sa Durham, tinutukan na ng CCTV operator na mula sa Darlington Borough Council sa bawat kilos nila.Kasunod nito ay inalerto na ang mga pulis at pagkaraan lang ng tatlong minuto ay natunton na nila ang mga kawatan.Todo-taggi pa ng mga suspek tungkol sa ginawa nilang pagtangay sa gorilya, pero nakita ng mga pulis ang estatwa sa loob ng isang kuwarto.Kaya ang dalawang lalaki, inaresto at mahaharap sa reklamong burglary. Hindi naman binanggit kung ano ang planong gawin ng mga suspek sa tinangay nilang estatwa.Ang estatwang gorilya naman, nabalik na sa may ari.-- FRJ, GMA Integrated News