Inilahad ng veteran actres na si Nova Villa na ang namayapang si Fernando Poe Jr. ang nakadiskubre sa kaniya sa showbiz habang sinisilip niya ang kotse ng aktor. Pero niligawan nga ba siya ng "Da King of Philippine Movies?"

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes, sinabi ni Nova na bata pa lamang ay pinangarap na talaga niyang maging artista.

“Totoong gusto ko. Dahil uma-akting-akting na ako sa harap ng salamin, nagbabasa ako ng comics, mine-memorize ko ‘yung dialogue sa Filipino comics. Umiiyak akong mag-isa sa salamin, talagang gusto ko,” kuwento ng aktres.

Hanggang sa noong 1968, sumama siya sa aktres at komedyanteng si Aling Chichay, na kaniyang kapitbahay sa Sampaloc na pumunta sa Premiere Productions.

Pagdating sa opisina ng naturang produksyon, pinaupo muna ni Aling Chichay si Nova sa canteen habang may pupuntahan ito.

“Kitang kita ko ‘yung gate. Maya-maya may pumasok, Cadillac, puti. Ang haba ng Cadillac, ang ganda. Sabi ko ‘Sino kaya ‘yun? Ang ganda ng kotse.’ Gumaganiyan (sumisilip) ako. Sabi ng driver (tumingin din sa kaniya na tila nagtataka), nagkatitigan kaming dalawa, ang guwapo, super,” kuwento pa ni Nova.

“Ay, ako ‘yung napahiya nang tinitigan niya akong ganu’n. Kunwari patay-malisya, tapos tingin na naman ako. Ang tagal, tapos umandar na siya,” sabi ni Nova.

Hanggang sa dumating ang production manager ni Fernando Poe Jr. na si Ben Esteva.

“Lumapit siya, eh ako lang ang tao sa canteen tsaka ‘yung isang cook. Sabi niya, ‘Ne, sinong kasama mo?’ ‘Si Aling Chichay po.’ ‘Gusto mong mag-artista?’,” pag-alok daw sa kaniya.

Sumagot naman daw siya ng opo.

“‘Gusto mong mag-artista?’ ‘Opo.’ Ganoon lang kasimple. Agad-agad ang sabi, ‘Sige, magshu-shooting ka bukas.’ ‘Ho? Shooting?’ Ganu’n. ‘Oo, shooting ka na’” pag-alala ni Nova.

Nang tanungin ni Tito Boy kung sino ang nakatitigan ni Nova sa Cadillac, “Si FPJ! Kaya pinapunta niya ‘yung production manager,” tugon ni Nova.

Inabutan si Nova ng production manager ng P200 na pambili niya ng kaniyang susuotin.

Sa Fast Talk segment, inilarawan ni Nova si FPJ na “marriageable”,  at ito rin ang kaniyang paboritong leading man.

Samantala, “loveable” naman para sa kaniya sina Dolphy, Freddy Web at Michael V.

Tinanong din ni Tito Boy si Nova na, “Niligawan ho kayo ni FPJ?”

Ngunit sa halip na sumagot, saglit na tumahimik at ngumiti lang si Nova at sinabing “next question."-- FRJ, GMA Integrated News