Inilahad ni Maureen Larrazabal na bata pa lang ay pangarap na niyang mag-artista kaya pinasok niya ang industriya kahit nagsimula siya sa pagpapa-sexy.

“Ever since bata kasi ako gusto ko na talagang mag-artista,” sabi ni Maureen sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes.

Dahil dito, pumasok siya sa mga speech training at pagkanta hanggang sa may mag-alok sa kaniya na pumasok sa Viva Films.

“That time uso ang sexy sa Viva. So wala akong choice kasi gustong-gusto ko talaga. Bata pa lang ako, ever since bata this is my dream and my only dream, to be an artista, and this is my chance. So wala sa utak ko to say no,” anang Kapuso comedienne.

Ngunit napagtanto ni Maureen na hindi habambuhay ang kaniyang pagpapa-sexy.

“Noong nakapasok na ako, since sa sobrang pagmamahal kong maging artista, naisip ko, ‘pag nag-sexy ako hindi puwedeng forever. Hindi ko siya puwedeng gawin for the rest of my life. So kailangang mapunta ako sa isang sanga ng pag-aartista na mas lasting kaysa sa pagiging sexy star,” paglalahad niya.

Hanggang sa pinasok niya ang isang comedy show.

“Gusto ko ito na lang, kasi wala naman akong masyadong kalaban,” ani Maureen, na nakasabayan sina Rufa Mae Quinto at Ethel Booba.

“Pagdating sa sexy star na pulido, ang dami kong kalaban, tapos hindi ko rin kakayanin. So nag-decide ako na mag-turn down ng offers na talagang todo sexy para hindi ako ma-type cast at mailipat, ma-divert ‘yung isip ng mga tao na, nagse-sexy pa rin [ako] pero sexy comedy," paliwanag niya sa ginawang career move.

“Mula bata ako pangarap ko na eh, so ayokong basta-basta mawala,” dagdag ng aktres.

Kabilang si Maureen sa cast ng Kapuso sitcom na "Pepito Manaloto." -- FRJ, GMA Integrated News