Inihayag ni Miles Ocampo na nakararamdam pa rin siya ng hamon at takot kay direk Bobot Mortiz, na nakatrabaho niya mula pa noong pagkabata niya.

“Pinaka na-challenge ako kay Direk Bobot (Mortiz) because sa kaniya ako lumaki. So, kahit hanggang ngayon, kahit sa kaniya ako nag-start nu'ng bata ako, hanggang ngayon natatakot pa rin ako sa kaniya,” sabi ni Miles sa "Kapuso Confessions" ng GMA Network.

“Kumbaga sa lahat ng naging direktor ko, si Direk Bobot 'yung pinaka ayaw kong nadi-disappoint kasi feeling ko pinalaki niya ako, baka isipin niya hindi niya ako napalaki nang tama," dagdag ng aktres.

“Gusto ko lagi na proud siya sa akin,” ayon kay Miles.

Dati nang nagkasama sina Miles at Direk Bobot sa isang gag show.

Muli silang magkakatrabaho sa inaabangang sitcom na "Happy ToGetHer" na pagbibidahan ni John Lloyd Cruz.

Sa 30-second clip na teaser, makikita na bahagi ng sitcom sina Miles at Carmi Martin, na tila miyembro ng pamilya ng karakter ni John Lloyd.

Si direk Bobot naman ang magdidirek ng sitcom. —LBG, GMA News