Namatay ang isang lalaki na sangkot umano sa snatching nang matumba ang sinasakyan niyang motorsiklo habang tumatakas sa Iloilo City. Ang kaniyang kasabwat, sugatan at naaresto.

Sa ulat ni Sevein Hope Gegantoca ng Super Radyo Iloilo sa Super Radyo dzBB nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente kaninang madaling araw sa Mandurriao district.

Dead on arrival sa ospital ang 31-anyon na suspek na si Alyas "Ulyssis,” na siya mismong rider ng naaksidenteng motorsiklo.

Naaresto naman ng mga pulis ang kaniyang kasabwat na si Alyas "Andy," 23-anyos, na nagtamo ng mga galos sa katawan.

 

 

Ayon kay Police Captain Val Cambel, hepe ng Mandurriao Police Station, sakay ng motorsiklo ang mga suspek nang hilahin nila at agawin ang bag ng isang lalaki.

Nagsisigaw at humingi ng tulong ang biktima kaya hinabol ng ilang delivery rider at tricycle driver ang mga suspek na kumaripas nang arangkada hanggang sa maaksidente at matumba ang kanilang motorsiklo. -- FRJ, GMA Integrated News