Nasawi ang isang ina at kaniyang anak na limang-gulang-gulang pa lang nang matupok ng apoy ang kanilang bahay sa Arayat, Pampanga.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing nangyari ang trahediya sa Barangay Mangga Cacutud, nitong Sabado ng madaling araw.

Halos hindi na makilala ang bangkay nang mag-ina sa tindi ng pagkakasunog.

Sa bahay umano ng mag-ina nanggaling ang apoy na kumalat sa anim pang kabahayan.

Wala naman sa bahay ang kanilang padre de pamilya na nagtatrabaho noon sa Maynila.

“Na-shock ako, hindi ko alam kung anong gagawin ko. Kung nandito lang sana ako matutulungan ko ang mag-ina ko kaso malayo ako sa kanila,” malungkot na pahayag ni Leonerin Timbol.

May mga LPG tank pa umano na sumabog na nagpalala pa sa sunog.

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog.-- FRJ, GMA Integrated News