Ikinasal na ang 80-anyos na si Batangas Governor Hermilando ‘Dodo’ Mandanas at ang 32-anyos niyang nobya na isang abogada.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Huwebes, sinabing ginanap ang kasal nina Mandanas at Atty. Angelica Chua nitong Miyerkules sa Minor Basilica and Parish of the Immaculate Conception sa Batangas City.

Kabilang sa mga sumaksi sa kasal ay sina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., at First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Bukod sa pagiging gobernador, dati ring kongresista si Mandanas. Samantala, dalubhasa naman sa taxation, data privacy at aviation ang kaniyang kabiyak na si Atty. Chua.

Mayo 2022 nang maging biyudo si Mandanas nang pumanaw ang kaniyang maybahay na si Regina Reyes Mandanas, na nominee noon ng Anakalusugan party-list.-- FRJ, GMA Integrated News