Inihayag ng isang abogado na kaibigan ng vlogger at dating mayor ng Allacapan, Cagayan ang umano'y tunay pangyayari sa likod ng viral video na nahuli-cam ang isang lalaki na sinasabing pump attendant sa isang gas station, at hinabol ang driver ng isang sasakyan na hindi raw nagbayad matapos magpa-gas.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabi ni Atty. Roger Real Paz, kaibigan ni dating Allacapan Mayor Harry Florida, na hindi pump attendant ang lalaking humahabol sa sasakyan na tinawag niyang si “Tyson.”
Bukod sa hindi pa umano matanda si Tyson, wala rin umanong sasakyan na nagpa-gas at hindi nagbayad. Si Florida rin daw ang may-ari ng gas station.
Una rito, naglabas ng show cause order ang Land Transportation Office, laban sa mga nakasakay sa sasakyan na hinabol ng umano’y gas attendant, matapos na hindi magbayad sa gas station.
Sinuspinde rin ng LTO ng 90-araw ang lisensiya ng driver ng sasakyan, at inilagay sa “alarma” ang sasakyan habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Ayon kay Paz, nangyari ang insidente noong Marso matapos silang magkaroon ng pagpupulong sa gas station ni Florida.
“Natapos ang meeting namin doon sa gasolinahan, umalis kami para magmiryenda. Ngayon si Tyson nandon malayo sa lugar namin, and then paalis na kami naghabol ‘yan. Humabol ‘yan dahil gusto niya na sumama sa miryenda namin,” sabi ni Paz.
Patuloy pa ni Paz, kababata nila si Tyson na parang kapatid, at kalaro nila noong bata pa sila.
Matapos umanong humabol si Tyson, pinasakay din umano ito sa sasakyan.
Kinuwestiyon din ni Paz ang basehan ng LTO sa ginawang pagsuspinde sa lisensya ng driver ng sasakyan.
Iginiit ng abogado na walang legal basis ang ginawa ng LTO dahil wala umanong nilabag na batas ang driver sa naturang insidente, at walang nangyaring reckless driving.
Idinagdag pa ni Paz na wala rin umanong kinalaman dapat ang LTO sa nangyari kina Florida at Tyson.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang LTO tungkol sa mga sinabi ni Paz, ayon sa ulat.
Kaugnay nito, sinabi sa ulat na nakausap ng One North Central Luzon si Florida pero tumanggi muna siyang magbigay ng pahayag tungkol sa insidente. – FRJ GMA News
