Sa patuloy na pag-usbong ng teknolohiya, mas dumadami pa ang gumagamit ng artificial intelligence o A.I., na tulad ng generative A.I. tools gaya ng ChatGPT at Gemini. Maaari din kayang magamit ang modernong teknolohiyang ito sa pagpapayabong at pagpreserba ng wikang Filipino at mga katutubong wika ng bansa? Alamin.

Sa eksklusibong panayam ng GMA News Online kay Atty. Marites Barrios-Taran, tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino, idiniin niyang ang A.I. ay isang phenomenon na narito na sa mundo at hindi na puwedeng balewalain.

Gayunman, iginiit niya na isa lamang tulay ang AI sa pag-unlad.

“Ang kailangan na lang natin ay tandaan na ito ay isang kasangkapan lamang. Isang kasangkapan na maaaring magamit upang maging mas madali sa atin ang mga bagay, ngunit mas maunlad tayo,” saad niya.

Samantala, sa panayam kay Barrios-Taran sa programa sa radyo ng KWF, ipinunto niyang maaaring maging mabisang katuwang ang A.I. sa pamamagitan ng mga sumusunod:

1. Pananaliksik - Sa halip na libo-libong pahina na kailangan pang ipunin, i-xerox at basahin isa-isa, maaari nang makuha ang mga datos sa pamamagitan lamang ng pag-atas sa AI.

Ngunit paalala niya, dapat pa ring pairalin ang pagsasagawa ng beripikasyon sa mga datos na ibinibigay ng AI.

“Kailangan marunong kang sumuri. Hindi lahat ay iaasa mo sa kaniya. Aalamin mo, tama ba ‘yung sinabi niya? Tatanungin mo siya, ‘Ano ang mga resources mo dito?,’” paliwanag niya.

2. Ang pagsisinop at pagpoproseso ng datos

“Puwede ka niyang turuan ng mga sistema. Puwede ka niyang turuan ng mga proseso. Marami siyang puwedeng gawan ng pag-iimbakan mo ng mga datos. Mas mapapadali sa iyo. Sa halip na tatlong araw mong babasahin, puwedeng sa isang iglap ay nariyan na,” anang KWF chair.

3. Preserbasyon ng wika

Ipinunto rin ni Barrios-Taran na dahil sa A.I., magagamit na ang digital documentation, transcription at oral data, lalo kung kaugnay sa pag-archive ng mga katutubong wika para hindi tuluyang mawala.

ALAMIN: Mga wika sa Pilipinas na nanganganib maglaho, paano sinisikap na maisalba?

Natural Language Processing o NLP

Sa isa pang hiwalay na panayam sa radyo, ipinaliwanag ni Chinita Ann Francisco, isang Senior Language Researcher sa Sangay ng Leksikograpiya at Korpus ng Pilipinas (SLKP) ng KWF, na sa loob ng AI, may espesyalisadong larangan na tinatawag na Natural Language Processing (NLP), na layuning bigyang kakayahan ang mga computer na umunawa, magproseso at bumuo ng mga wikang ginagamit ng tao.

Halimbawa ng bahagi ng NLP ang machine translation tulad ng Google Translate, speech recognition, spell checker, voice assistance at iba pang AI application na kayang sumagot sa Filipino.

Dahil dito, nagsisilbi umano ang AI na kabuuang kakayahan ng computer, habang ang NLP ang bahaging natututong gumamit ng wika.

Masasabi ring hindi likas na marunong ang computer o anumang teknolohiya na gumamit ng anumang wika dahil hindi nito alam ang kahulugan ng mga salita. Lalo na kung bago pa lamang ito, pati sa paraan ng pakikipag-usap ng mga tao.

‘Korpus’

Dahil dito, dapat na may pinagkukunan umano ang NLP na mga halimbawa kung paano ginagamit ang wika, na tinatawag na language resources, o ang mga organisado at mapagkakatiwalaang koleksiyon ng datos na magsisilbing batayan sa pagkatuto ng mga teknolohiyang pang-wika.

Isa sa pinakamahalagang uri ng language resource ang Korpus. Para matuto ang NLP na gumamit ng wika, kailangan nito ng Korpus na nagsisilbing mga aklat o reference material para sa pag-aaral nito.

Ayon kay Barrios-Taran, ang korpus (corpus) ay isang koleksiyon ng mga salita na nagmumula sa wikang Filipino, Tagalog, at iba pang mga diyalekto. Mas malawak pa ito sa konsepto ng isang diksiyunaryo, dahil naglalaman din ito ng etimolohiya, iba't ibang tenses o anyo ng salita, at tamang paggamit nito sa pangungusap.

Kinakalap ng KWF ang karamihan sa mga ito sa pamamagitan ng community-based validation kung saan pumupunta mismo ang mga kawani ng ahensiya sa iba’t ibang lugar ng mga katutubo para ipalista ang kanilang mga “word-list.”

Kaya nagiging kabahagi umano ang iba’t ibang katutubo sa pagbuo ng kanilang sariling korpus, mula sa mga elders o kinatawan ng komunidad, local language expert, mga guro, at maging mga bata.

Nagsasagawa ang KWF ng beripikasyon sa pamamagitan ng muling pagparinig ng mga nakalap na salita sa mga katutubo para sa kumpirmasyon ng datos.

Mula sa mga orihinal na audio recording, manuskrito, transkripsyon at field notes batay sa mga pananaliksik sa komunidad, itatago na ito sa ligtas, maayos at kontroladong pasilidad, na ang SLKP ang naatasan sa “paglilinis” o pagdu-dokumento.

Inilahad ni Barrios-Taran na may 30 milyong token itong ilalagay sa isang sentralisadong digital repository o imbakan.

Ito na ngayon ang magiging basehan ng A.I. para sa paggamit ng wikang Filipino at iba pang mga katutubong wika.

Tiniyak pa ng komisyon na mayroon itong multiple backup system, o lalagyan ng mga mahahalagang datos sa maraming kopya at magkakahiwalay na storage system at lokasyon, sa ilalim pa rin ng pangangalaga ng SLKP.

Sariling A.I.?

Ibinahagi rin ni Barrios-Taran na nakikipagtulungan ang KWF sa Department of Science and Technology (DOST) para sa pagbuo ng sariling A.I. tool na tinatawag na “Pinoy AI” project.

Sa pakikipagtulungan na rin sa iba’t ibang mga unibersidad, idinagdag ni Barrios-Taran, na may 50 mga wika ang pinag-aralan ng ahensiya para sa proyekto.

“Base naman sa ating pakikipag-usap sa mga elder ay wala pa naman pong objection tungkol sa preserbasiyon ng kanilang wika,” sabi niya.

Tulong ng ordinaryong Pilipino

Sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa, hinikayat ni Barrios-Taran ang patuloy ng paggamit ng mga Pilipino ng ating sariling wika, pati ang mga katutubong wika, sa digital space na napi-pick up sa internet.

Hinimok niya ang pagiging malikhain ng mga Pilipino pagdating sa paglikha ng mga tula, nobela at iba pang uri ng panitikan.

“Kasama po ‘yan sa korpus na sinasabi natin at later on magiging bahagi ‘yan ng mga mapi-pick up ni AI. Alam niyo naman sa A.I. garbage in, garbage out. Goods in, goods out. Kapag maganda ang mga nakitang impormasyon ni A.I. diyan, mas maganda ang dating din sa iyong gagawin at hihingin mula sa kaniya,” paliwanag niya.

Responsableng paggamit ng A.I.

Isinusulong ng KWF ang responsable, etikal at mapanuring paggamit ng A.I.

“Ang panawagan ng Komisyon sa Wikang Pilipino ay sana gamitin natin ito bilang tulay sa yaman ng impormasyon sa pamamagitan ng isang tapat, etikal, at responsableng paggamit,” ani Barrios-Taran.

“Ang AI ay hindi kapalit ng tao na mananaliksik. Igalang po natin ang mga karapatan ng mga may-ari ng yaman na ito, lalo-lalo sa pananaliksik natin,” dagdag niya. – FRJ GMA News