Nalapnos ang iba't ibang parte ng katawan ng isang lalaking senior citizen at dalawa niyang anak matapos sumabog ang liquefied petroleum gas o LPG sa kanilang bahay sa Barangay Bagbaguin, Valenzuela.

Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa GTV News Balitanghali nitong Biyernes, sinabing naganap ang insidente sa isang residential area sa Santol Street bandang 9 a.m. nitong Huwebes.

Natumba ang motorsiklo sa tapat ng bahay at tumilapon ang maraming gamit sa lakas ng pagsabog.

Ilang saglit pa, narinig ang sigawan at naglabasan ang ilang residente.

Sugatan ang magkapatid na residente sa apartment at kanilang senior citizen na amang may sakit sa puso.

“Nakita ko po 'yung bayaw ko. Lumabas po ng pinto at sabi niya sa akin, 'Di, tulungan mo si tatay.' Pero ngayon po tatlo na po sila nasa East Avenue. Nakaano po sila dahil kailangan daw pong i-intubate,” sabi ni Heidi Garcia, kaanak ng mga biktima.

Sumiklab ang apoy makaraan ang pagsabog, kaya rumesponde ang mga tauhan ng barangay at bumbero.

“Nakita namin doon mga nagpa-panic na tao,” sabi ni Louie Limen, Responding Officer ng Barangay Bagbaguin Fire and Rescue Volunteer Brigade.

“Pinasok ko lang po kahit malakas ang usok, tapos sako ko binomba,” ayon naman kay Jhon Aries Matias, Responding Officer ng Barangay Bagbaguin, Valenzuela.

Nadamay ang appliances at iba pang gamit sa bahay.

Ayon sa kaanak ng mga biktima, nakalagay sa may lababo ang LPG. Posible umanong nagluluto ang kanilang kaanak nang bigla itong sumabog.

Nadamay ang katapat na bahay ng apartment sa lakas ng pagsabog.

Hinala ng mga awtoridad na posibleng may leak sa LPG na naging mitsa ng apoy at pagsabog.

Patuloy ang pag-iimbestiga ng mga awtoridad habang nagpapagaling sa ospital ang mga biktima.

Humingi naman ng tulong ang mga kaanak ng mga biktima. – Jamil Santos/FRJ GMA News