Anim katao ang patay, tatlo ang nawawala, habang apat ang nailigtas matapos tumaob ang isang motorbanca na may sakay na 13 katutubong Aeta sa Lawa ng Mapanuepe sa San Marcelino, Zambales nitong Huwebes, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Sa isang pahayag, sinabi ng PCG na naganap ang insidente bandang 2 p.m. malapit sa Sunken Church sa Barangay Buhawen habang kumukuha ang mga Aeta ng pagkain at gamot mula sa isang health center.
“The passengers were reportedly members of the Aeta Indigenous Peoples (IP) community from Sitio Lumibao. They had gone to the community health center to receive food and medicine and participate in a vaccination program before traveling back when the incident occurred,” sabi ng PCG.
“Initial information indicated that the motor banca encountered strong winds and rough water conditions before it capsized. The circumstances surrounding the incident remain under investigation,” dagdag nito.
Kabilang sa anim na nasawi ang tatlong nasa hustong gulang at tatlong menor de edad, ayon sa PCG.
Ayon sa San Marcelino Public Information Office, pansamantalang itinigil ang search and rescue operations ng 6:45 p.m. dahil sa masamang panahon.
Sinabi ng PCG na patuloy ang search and rescue operations nitong Biyernes ng umaga para mahanap ang tatlong nawawalang pasahero.
Samantala, nagpaabot ng pakikiramay ang lokal na pamahalaan ng San Marcelino sa mga pamilya ng anim na taong namatay sa trahedya.
“Sa gitna ng trahedyang ito, nakikiisa ang pamahalaang lokal ng San Marcelino sa mga pamilyang naiwan at nakikiramay sa kanilang matinding pagdadalamhati,” sabi ng San Marcelino Public Information Office. — RSJ GMA News
