Hindi bababa sa 32 katao ang patay habang walong milyon katao ang apektado sa buong bansa dulot ng pinagsamang epekto ng Habagat at mga bagyong Luis, Maymay, at Neneng, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) nitong Sabado.
Batay sa situation report ng OCD, inilahad dito na naitala ang mga pagkamatay sa mga sumusunod na lugar:
Benguet - 15 dahil sa landslide
La Union - 1 dahil sa pagkalunod
Rizal - 4 dahil sa rockslide natumbang puno pagkalunod
Batangas - 4 dahil sa pagkalunod pagkakuryente landslide
Quezon - 1 dahil sa pagkalunod
Oriental Mindoro - 1
Occidental Mindoro - 2
Rizal - 2 dahil sa pagkakuryente at pagkalunod
Negros Occidental - 1 dahil sa pagkalunod
Caloocan - 2 dahil sa pagkalunod
Walong milyon katao ang apektado ng masamang panahon, o katumbas ng 2.3 milyong pamilya. Hindi bababa sa 25,800 sa kanila ang mga nananatili sa evacuation center.
Umabot na sa P6.11 bilyon ang pinsala sa imprastraktura, habang naitala sa P2.32 bilyon ang pinsala sa agrikultura. Halos 3,000 bahay ang nasira, kung saan 349 sa mga ito ang tuluyang nawasak.
Sinabi ng OCD na 117 lokal na yunit ng pamahalaan ang nagdeklara ng state of calamity.
Naglabas na ang gobyerno ng P1.65 bilyong tulong.
Muling lumakas ang Habagat kasunod ng pagkakaroon ng low pressure area sa Philippine Area of Responsibility, na nagdulot ng malawakang pagbaha dahil sa mga pag-ulan. —VBL GMA News

