Sugatan ang isang senior citizen na street sweeper matapos siyang makaladkad ng kable na sumabit at nahatak ng isang delivery truck sa Valenzuela City. Ang kompanya ng truck at ang Meralco, handa namang makipagtulungan.

Sa ulat ni Darlene Cay sa GTV News Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood sa CCTV footage na abalang naglilinis ang street sweeper sa gilid ng kalsada nitong Martes nang may dumaang isang delivery truck at bigla siyang nakaladkad ng ilang metro.

Humampas pa ang biktima sa katabing poste at nakaladkad sa kalsada hanggang sa humito na ang truck.

Sumabit pala ang truck sa kable, na humila naman kay Cora, bagay na hindi nakunan sa video.

Agad dinala sa ospital ang biktima, na kinailangang operahan sa balikat at naghihintay rin ng operasyon sa paa.

Agad namang naglunsad ng imbestigasyon ang LGU.

“We’re waiting for the full investigation kung paano napulupot sa katawan ng victim ‘yung wire na ho na iyon, at paano rin na-hookup sa bumper ng J&T without human intervention. Ang sabi ng driver, dumaan lang siya tapos parang nasabit at nahila” sabi Valenzuela Mayor Wes Gatchalian.

“For me, it’s negligence din ho ang pag-iwan ng wires na nakasabit o nakakalat. Bawal iyan sa Valenzuela, actually… This is also the reason why in Valenzuela we have an ordinance actually charging maintenance cost per pole sa utilities companies natin because we want them to be responsible,” dagdag niya.

Pinatawag na ng lokal na pamahalaan ang mga kinatawan ng J&T at Meralco.

Sinisikap ng GMA News na makuha ang kanilang panig pero sinabi ni Gatchalian na aakuin umano ng delivery company ang anumang responsabilidad sa pangyayari.

Nakatakda ring magbigay ng paunang P200,000 ang LGU sa pamilya ng street sweeper para sa kaniyang medical expenses.

“JT Express of course is saying na this is an accident talaga. Kasi the driver that was driving the truck is an experienced driver in that area, in Marulas. Kabisado niya naman ‘yung kalye na iyon and hindi niya rin alam paano ‘yung alambre nag-hook sa likod ng bumper ng truck,” sabi ni Gatchalian.

“Ang Meralco po, kanina in-investigate ko rin, what we found out is number one, the pole is owned by Meralco. But the cable, which they even brought a sample, talagang medyo makapal ‘yung cable, talagang matigas, solid ‘yung cable nito. Their statement kanina during the meeting is they don't own the cable,” ayon pa sa kaniya.

Nagsasagawa ng imbestigasyon kung anong utility company ang may-ari ng sumabit na kawad.

Nangako rin ang LGU ng legal assistance kay Cora bukod sa tulong medikal at pinansyal.

Patuloy ang pag-iikot ng mga tauhan ng Valenzuela LGU sa siyudad para tiyaking wala nang nakalaylay na kable at hindi na maulit ang insidente.

"Base sa paunang impormasyon, hindi kable ng kuryente ang nagdulot ng aksidente. Gayunpaman, tuluy-tuloy ang pakikipag-ugnayan ng Meralco sa lokal na pamahalaan ng Valenzuela City," sabi ni Joe Zaldarriaga, VP at head ng Corporate Communications ng Meralco.

"Tumutulong na rin kami para ma-identify ang nagmamay-ari ng kableng nahatak ng truck para mabigyang linaw ang insidente," dagdag ni Zaldarriaga. – Jamil Santos/FRJ GMA News