Nagbunyi ang Pinoy basketball fans—lalo na ang mga nanood sa MOA Arena— nang pataubin ng Gilas Pilipinas sa iskor na 68-56 ang koponan ng Iran. Sa kanilang pagkapanalo, makumpleto ng Philippine team ang sweep sa FIBA World Cup Asian Qualifiers Window 4 nitong Linggo.
Gaya sa naging dikit na 82-81 overtime na panalo nila kontra sa Jordan noong Biyernes, muling nakabangon ang Pilipinas mula sa maagang kalamangan ng Iran at maitala ang 4-4 na kartada sa Group E, habang 5-3 naman ang Iran.
Malaki ang naging ambag ni Kai Sotto, na muling pinahirapan ang depensa ng Iran matapos magtala ng double-double na 13 puntos at 16 rebounds, at may kasama pang tatlong assists.
Uminit naman ang mga kamay ni Juan Gomez de Liaño sa second half at nagtapos na may 16 puntos. Malaki rin ang naging papel ni Dwight Ramos sa naturang panalo na may 16 puntos, pitong rebounds, at dalawang steals.
Bagama't nakamit ng Gilas ang 12-puntos na panalo, kinailangan muna nilang makabawi mula sa mabagal nitong simula matapos umarangkada ang Iran sa 18-5 na kalamangan dahil sa magkakasunod na three-pointer ni Mobin Sheikhi sa unang quarter.
Subalit pinangunahan nina June Mar Fajardo at Ramos ang pag-atake ng Gilas sa second quarter, na nagpasiklab sa 15-5 run upang isara ang yugto sa iskor 36-34, pabor sa Pilipinas.
Muli namang nakalamang, 52-49 ang Iran, nang maipasok ni Sheikhi ang isang three-pointer sa kabila ng pagtatangka ni Sotto na pigilan ito sa unang bahagi ng fourth quarter.
Pero muling bumawi ang Gilas nang tumira ng isa pang three-pointer si Gomez de Liaño, bago naman makapagtala si Ramos ng sarili niyang tres upang lumamang ang Gilas, 57-54.
Lalo pang luminaw ang tagumpay ng Gilas sa ginawang pagdakdak ni Sotto sa bola nang isang kamay matapos makuha ang rebound mula sa sumablay na corner three-pointer ni Edu.
Sinundan ito ni Ramos ng isang madaling jumper upang makumpleto ng Gilas ang dalawang home games nito at panatalihing buhay ang pag-asa ng koponan na makapasok sa World Cup.
—FRJ GMA News

