Natagpuang patay ang isang 57-anyos na lalaki sa loob ng banyo ng Room 911 ng isang hotel sa Quezon City noong Miyerkules, Agosto 26, 2026. Ang biktima, pinagnakawan umano, at tatlong menor de edad ang hinihinalang sangkot sa krimen.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News “Unang Balita” nitong Lunes, inihayag ng pulisya na nadiskubre ang bangkay nang katakutin ng isang staff ng hotel ang kuwarto ng biktima pero walang sumasagot.

“Nung binalikan niya, kinatok niya nang pangalawang beses, wala pa ring response. Doon na siya nanghingi ng tulong sa ating front desk para mabuksan ang room nitong biktima,” ayon kay Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit Acting Chief P/Maj. Errol Frejas.

“Kaso, pagbukas nila, nakita nila na gulo-gulo na ‘yung mga gamit at merong dugo na nagkalat. So ni-report agad nila ito sa ating mga kapulisan,” dagdag ng opisyal.

Ayon sa pulisya, isang freelance bookkeeper mula sa Mindanao ang biktima na bumiyahe patungong Metro Manila upang asikasuhin ang ilang dokumento.

Iniulat na nag-book siya ng kuwarto sa hotel nang walong araw, mula Agosto 18 hanggang 26. Batay sa pagsusuri ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), namatay ang biktima dahil sa asphyxia o pagkasakal.

“Sa report po ng SOCO, asphyxia by strangulation, pero nakikita namin parang pinukpok muna siya ng bote, bago tinabunan ng unan sa mukha,” ayon kay Frejas.

Bago ang insidente, nakuhanan ng CCTV camera ang biktima kasama ang tatlong menor de edad na in conflict with the law (CICL).

Sa CCTV footage, huling nakitang buhay ang biktima dakong 10:00 am noong Agosto 23, at may kasama sa elevator na dalawang binatilyo. Bandang 5:00 pm, muli silang nakitang magkakasama sa elevator.

Pagsapit ng 7 p.m., nakita naman ang dalawang binatilyo kasama ang isa pang lalaki na bagong dating sa hotel. Makalipas ang 9:00 pm, nakuhanan ng CCTV camera ang tatlong CICL na palabas ng hotel at may bitbit na mga backpack.

Hinihinala ng pulisya na pagnanakaw ang pangunahing motibo sa krimen.

Kinuha umano ng tatlong menor de edad ang tatlong cellphone, isang relo, mga credit card at dalawang passbook ng biktima.

Dalawa pang cellphone ang naiwan sa loob ng kuwarto ng biktima, na nakatulong sa mga awtoridad upang matunton ang mga suspek.

Sa isang follow-up operation, nadakip ng mga awtoridad ang dalawang CICL sa Laguna na edad 16 at 17. Habang sa Batangas naman natunton ang isa pang 16-anyos na binatilyo.

“Meron din tayong consent galing sa pamilya na buksan ang cellphone. Doon po natin nakita, kasi naka-synchronise po ito doon sa ibang cellphone, nakita yung mga pictures na tinake nung mga CICL natin at doon po natin natukoy yung TNVS na hinire nila,” sabi ni Frejas.

“Nagkakilala sila sa isang social media app at doon nag-usap sila hanggang sa… dahil nga luluwas ng Maynila itong si victim, nag-set sila na magtagpo para mag-inom,” dagdag niya.

Ayon pa kay Frejas, ginamit ng mga CICL ang ATM cards ng biktima upang mag-withdraw ng pera, at ginamit din ang mga credit card nito upang bumili ng mga gamit.

“Nakita rin natin na may mga withdrawals itong mga menor de edad na nag-a-amount sa P150. Nakapag-withdraw sila ng P150, plus nagamit din nila sa pagbili ng mga gamit ‘yung credit card na umaabot din ng halos P40,000,” Frejas said.

Mahaharap ang tatlong CICL sa reklamong robbery with homicide, habang inilipat sila sa pangangalaga ng Social Services Development Department dahil sa pagiging menor de edad nila.

Nakipag-ugnayan naman ang mga awtoridad sa pamilya ng biktima sa Mindanao.— Lyjah Tiffany Bonzo/FRJ GMA News