Dalawang lalaki ang nasawi, at isang sanggol na anim na buwang gulang ang sugatan, nang mauwi sa engkuwentro ang gagawing pag-aresto ng mga pulis at sundalo sa isang lalaki na nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-terrorism Act sa Marawi, Lanao del Sur.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Lunes, sinabi ng mga awtoridad target ng operasyon ang isang Alyas “Engineer,” na may warrant of arrest dahil sa paglabag sa Anti-terrorism act.
Papunta umano sa target area ang mga awtoridad nang bigla silang paputukan ng mga suspek. Gumanti ng putok ang mga awtoridad na ikinasawi ng dalawang lalaki na nagpaputok umano ng baril.
Sugatan din ang isang sanggol sa lugar matapos na sumabog ang isang granada na iniwan umano ni alyas Engineer, habang tumatakas.
Nakatakas sa operasyon ang pakay sa arrest warrant at patuloy siyang tinutugis ng mga awtoridad. – FRJ GMA News
