Sa kulungan ang bagsak ng isang babaeng caregiver matapos nakawin umano ang singsing ng kaniyang amo na nagkakahalaga ng P100,000 sa Barangay Culiat, Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nadakip ang 32-anyos na suspek sa Fairview.

Naganap ang krimen sa bahay ng 93-anyos na biktima, na may pupuntahan sana nang mapansing nawawala na ang kaniyang alahas.

“Noong ginagamit na niya ‘yung mga gamit niya, napansin niya wala ‘yung singsing niya. So tinawag niya ngayon ‘yung caregiver na kinuha niya online. Hindi sumasagot. Noong hindi sumasagot, tinawag na niya ‘yung secretary niya, hinanap nila, hindi na nila nakita. So nagtanong sila sa guard, nakita na umalis na pala ng 2 p.m.,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Wilfredo Fabros Jr., Commander ng Holy Spirit Police Station.

Lumabas sa imbestigasyon na pitong araw pa lamang namamasukan ang stay-in na caregiver. Gayunman, sinabi ng pulisya na naiwan ng caregiver ang kaniyang bag na naglalaman ng ilang damit at personal na gamit.

Ito ang naging daan para mahanap ng QCPD ang suspek.

“Tinignan nila 'yung bag. May nakita sila ngayong resibo ng gym, ng calendar year 2022 pa. So nu’ng nag-inquire sila doon sa gym na yon, kasama na 'yung pulis, napag-alaman na may nalamang address, 'yung address na iyon, doon nila natunton ngayon 'yung suspek,” sabi ni Fabros.

Nabawi mula sa caregiver ang ninakaw na gintong singsing na may diamonds na nagkakahalaga ng P100,000.

Sinampahan ng reklamong qualified theft ang babae, na sinubukang kunan ng panig ngunit tumangging magbigay ng pahayag. — Jamil Santos/VBL GMA News