Pinatalsik na ni Alexandra “Alex” Eala sa 2026 US Open si Mary Stoiana matapos niya itong dominahin sa iskor na 6-1, 6-2, sa panimula ng kanilang kampanya sa torneo na ginanap sa Louis Armstrong Stadium sa Flushing Meadows, New York nitong Miyerkules ng umaga (oras sa Pilipinas).
Dahil sa panalo, umabante sa susunod na round ang 21-anyos na si Eala, na kasalukuyang No. 18 sa world rank, at No. 17 seed sa torneo. Sunod niyang makakalaban ang Ukrainian star na si Oleksandra Oliynykova.
"Of course it was very difficult. You know, every exchange had its own challenges, especially in the start of the second set," sabi ni Eala sa post-game on-court interview.
"I think she put me in uncomfortable positions and she's been having a great run coming from quali and a good past couple of weeks. So I'm really happy with this match," dagdag ng Pinay tennis star.
Sinamantala ni Eala ang maraming errors ni Stoiana, na nagtagumpay muna sa tatlong mahihirap na laban sa qualifying round, upang mabilis na makuha ng Pinay tennis star ang 5-0 na abante sa unang set.
Gayunman, nakakuha ng pagkakataon ang American tennis player na mapuwersang magkamali si Eala sa Game 6 upang makaiskor siya ng isa. Ngunit naging mahirap para kay Stoiana ang pagsalo ng “service” ni Eala, upang tuluyang makuha ng huli ang panalo sa Set 1.
Sa set 2, nagpakitang-gilas ang 23-ayos na si Stoiana nang kunin ang 2-1 na abante sa panimula ng laban. Ngunit nabigo siyang ipagpatuloy ang momentum nang umariba si Eala at makuha ang limang games hanggang sa tuluyang walisin ang laban.
Pero bago ang tagumpay, kinailangan munang paghirapan ni Eala ang match point, nang pilitin ni Stoiana ang tatlong deuces sa Game 7. Subalit nagkamali ng dalawang sunod si Stoiana, kaya nakuha ni Eala ang sumunod na dalawang puntos.
Sa huling game, binura ni Eala ang 40-30 na abante ni Stoiana bago niya makuha ang huling tatlong puntos. Nagkamali si Stoiana sa kaniyang tira sa final point, na tuluyang nagbigay kay Eala ng tiket papunta sa ikalawang round.
Dahil sa kaniyang panalo, napantayan na ni Eala ang naabot niya sa nakaraang US Open 2025. May pagkakataon siya ngayon na higitan ito kapag natalo niya si Oliynykova sa ikalawang round.
– FRJ GMA News

